ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PCG, magtatalaga ng 'sheltering areas' para sa mga barko at bangka


Magtatalaga ang Philippine Coast Guard ng mga "sheltering area" na matataguan ng mga sasakyang pandagat kapag biglang nagtaas ng storm signals sa mga lugar na daraanan nila, ayon kay PCG officer-in-charge and vice commandant for operations Rear Admiral Luis Tuason Jr. Sa isang news realese, sinabi ng PCG na ang sheltering areas ay bahagi ng pagpapatibay ng safety procedures ng pamahalaan para sa mga barko at maliliit na bangka tuwing may bagyo. Inihalimbawa ni Tuason ang nangyari noong kasagsagan ng Bagyong Sandy sa Amerika, kung saan nakaligtas ang mga sasakyang pandagat matapos mamalagi sa sheltering areas sa FLorida at ibang bahagi ng Caribbean. Dagdag pa ni Tuason, kakayanin ng sheltering areas na magbigay proteksyon sa mga barko kahit nakataas ang Signal No. 1 sa isang lugar, o kung saan ang hangin ay aabot sa bilis 55 kilometro kada oras. Ang lokasyon rin ng sheltering sites ay dapat madaling mahanap at pamilyar sa parehong mga barko at mga bangka. Sa kasalukuyan, humihingi pa ng mga suhestiyon si Tuason sa iba't ibang district commanders sa mga posibleng sheltering areas para naman sa mas malalakas na bagyo sa sa mga lugar na tatamaan ng matataas na storm signal. — LBG, GMA News