Sotto, inireklamo sa Senate ethics committee; senador, humingi ng paumanhin sa mga Kennedy
Kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga Kennedy ng US, nanindigan si Senador Vicente “Tito" Sotto III nitong Martes na hindi siya nangopya o nanggaya ng talata na naging bahagi ng kanyang mga talumpati tungkol sa pagtutol niya sa reproductive health (RH) bill. Sa kanyang privilege speech nitong Martes ng hapon, sinagot ni Sotto ang mga alegasyon na ibinato sa kanya matapos na ihain ng may 37 indibidwal ang ethics complaint laban sa kanya nitong Martes ng umaga. Giit ni Sotto, hindi siya nang-angkin ng anumang impormasyon na nakuha niya sa iba na naging bahagi ng kanyang mga talumpari. “Wala po akong inangkin so papaano po ako mag-a-apologize ng plagiarism eh wala po akong plinagiarize... sinabi ko ngang hindi akin... para hong pinagpiplead guilty ako sa murder eh ang dapat (na) charge physical injuries," paliwanag ng senador sa kanyang talumpati. Dagdag pa niya, ang mga alegasyon ng pangongopya laban sa kanya ay base sa “draft copy" ng kanyang talumpati at hindi kasama ang “blanket attribution" na kanyang ginawa. "Maliwanag po doon sa tatlong turno en contra speeches ko [na] ilang ulit ko pong sinabi and the journal will bear me out wala po ako sinabi dun na akin yun," depensa ni Sotto. "Maliwanag na kontra pa nga ang ginamit. Sinabi ko na lahat ng sinabi ko sa mediko, agham at kung saan-saan ay hindi galing sa akin eh ang plagiarism to steal and pass off ideas or words of another as one's own without crediting the source," patuloy niya. Sa reklamong inihain ng 37 complainants na kinabibilangan ng mga blogger, university professor, at miyembro ng tinatawag na "free-thinking" group, hiniling nila sa liderato ng Senado na patawan ng karampatang parusa si Sotto dahil sa paglabag umano sa section 193 of Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. Ito ay bunga ng pagkuha umano ni Sotto ng walang paalam at pagkilala sa ilang talatang isinulat ng iba’t ibang tao na ginamit ng senador sa kanyang talumpati. "Ang aming hinihiling ngayon sa Senado ay disiplinahin ninyo ang inyong kasapi sapagkat klarong siyam na beses siyang lumabag sa prinsipyo ng pagbabawal ng pangongopya," ayon kay Dr. Antonio Contreras, dating dean of De La Salle University's College of Liberal Arts. (Basahin: Professors, bloggers file ethics complaint vs Sotto) Muli ring ipinaliwanag ni Sotto na ang tinagalog na bahagi ng lumang talumpati ni US senator Robert F. Kennedy, ay nakuha niya sa ipinadalang text message sa kanya. Hindi umano niya alam na ito ay bahagi ng talumpati ni Kennedy. Kamakailan ay nagpahayag ng pagkadismaya ang anak ni Kennedy sa pagkopya umano sa talumpati ng kanyang ama at nais na humingi ng paumanhin si Sotto. (Basahin: Kennedy daughter confirms plagiarism complaint vs Sotto) "It appears that the Kennedy family has been misinformed to get them to say something about me," ayon kay Sotto. "I did not steal it or claim that it was mine. The worst thing that you could probably say is that I copied it from the text of a friend. I didn't really know [where] it came from," paliwanag ng mambabatas. "Kung sa tingin nila, ng Kennedy family, kinopya ko pwede sapagkat kinopya ko nga dun sa text ‘yun. But copying or imitation is the highest form of flattery. But if it upsets the Kennedy family, well then I'm sorry but that is not the intention we had when we used it," ayon kay Sotto. Naniniwala si Sotto na ang lahat ng batikos sa kanya ay bunga ng kanyang posisyon laban sa pagpasa ng kontrobersiyal na RH bill. "When the right time comes and when I have enough evidence, I will expose the people behind this na nagmamanipula nito...pati mga kababayan natin sa academe namamanipula nila," pahayag ng mambabatas. Sa kabila nito, iginiit ni Sotto na hindi magbabago ang paninindigan niya sa RH bill. "You can call me names, you can mock me, you can accuse me of anything under the sun but I will not change my position and I will always be against the distribution of contraceptives, condoms, IUDs...I will always be against abortion. I will remain steadfast and will stand firm in my position as long as I live," ayon sa senador. – FRJ, GMA News