ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek na umaming pumatay sa 3 katao sa Sta. Cruz, Manila, napatay ng pulis


Patay na ang barangay tanod na umaming nanloob at pumatay sa tatlo katao sa Sta. Cruz, Manila noong Lunes. Tinangka umanong agawin ng suspek na si Nestor Delizalde Jr. ang baril ng isang pulis nitong Huwebes. Sa ulat ng dzBB radio, sinabi ni Chief Inspector Joselito de Ocampo, hepe ng Manila Police District (MPD) homicide section, na dinala ng mga pulis si Delizalde sa pinangyarihan ng krimen nitong umaga ng Huwebes bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon. Ngunit bigla umanong inagaw ng suspek ang baril ng kasama nitong pulis kaya napilitan ang isa pang pulis na paputukan siya at tinamaan sa ulo. Isinugod si Delizarde sa Mother and Child Hospital sa Binondo, Manila pero binawian siya ng buhay habang nilalapatan ng lunas. Nitong Miyerkules, inamin ni Delizarde sa harap ng media na siya ang nanloob sa bahay at pumatay sa bank executive na si Evelyn Tan, 40; sa ina nitong si Teresita, 60; at sa isang kasambahay sa Sta. Cruz nitong Monday. Hinihinalang lango sa ipinagbabawal na droga si Delizarde nang gawin ang krimen. Si Delizalde ang pinakabagong nadagdag sa listahan ng mga suspek na umamin sa krimen na napatay habang nasa kostudiya ng mga pulis sa Maynila. Kabilang dito si Gong Zhu Yan (a.k.a. Win Ke at Jacky Yang), 26, na suspek sa pagsagasa at pagpatay sa kanyang nobya sa Roxas Boulevard sa Maynila. Sinasabing nagbaril sa sarili ang suspek matapos agawin ang baril ng kasamang pulis. Nitong Marso, namatay din ang dalawang pedicab driver na suspek naman sa rape-slay ng isang pitong-taong-gulang na babae sa Sta. Mesa, Manila. Isang hinihinalang lider naman ng robbery group na nag-ooperate sa R-10 at Moriones sa Tundo ang napatay din noong Septyembre matapos mang-agaw ng baril ng escort na pulis. Kamakailan ay muling nanawagan sa Kongreso at pamahalaan ang ilang anti-crime group na ibalik ang parusang kamatayan sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen. Ngunit nagpahayag ng pagtutol dito si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil sa paniwalang hindi pa perpekto ang hustisya sa bansa at posibleng may inosenteng akusado na mabitay. -- FRJ, GMA News