Iligal na droga, lumilitaw na motibo sa pagmasaker sa isang pamilya sa CDO
Pinaniniwalaang transaksiyon sa iligal na droga ang ugat sa pagpatay sa apat na miyembro ng isang pamilya sa Cagayan de Oro City. Batay ito sa ibinigay na testimonya ng nadakip na suspek. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabi ni GMA-CDO reporter Jacky Cabatuan, na itinuro ng nadakip na suspek na si Arman Abuyin ang isang Eric Malong na siyang utak sa pagpatay. Nakita nitong Miyekrules sa isang septic tank ang mga bangkay ng mag-asawang Christopher at Lea Lastimosa, at mga anak nilang sina Christian, 9, at Charlie, 6. Pinutulan pa umano ng braso si Christopher para mapagkasya sa poso negro. Basahin: (4 na miyembro ng pamilya, minasaker at itinago sa septic tank; ama, pinutulan pa ng braso) Pinaniniwalaan din na noong pang Linggo pinaslang ang mga biktima sa pamamagitan ng pagsaksak at pagpukpok ng matigas na bagay. Ayon kay Abuyin, naging saksi lang siya sa karumal-dumal na krimen. Bukod kay Malong, may dalawa pa umanong lalaki ang tumulong sa pagpatay sa pamilya. May utang umano si Christopher na P70,000 kay Malong, ayon kay Abuyin. Lumitaw naman sa imbestigasyon ng pulisya na nasangkot na noon si Christopher sa bentahan ng iligal na droga sa Misamis Occidental. Naglunsad na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang iba pang suspek. -- FRJ, GMA News