'Tambobong' ang dating pangalan ng isang lungsod sa Metro Manila
Alam niyo ba kung anong lungsod sa Metro Manila ang marami noong tanim na kawayan at tinawag na ‘Tambobong’ ng mga paring Kastila. Sinabing itinatag ng mga Augustinian priest noong 1599 bilang parokya ng Tundo ang “Tambobong" na mas kilala na ngayon bilang lungsod ng Malabon. Hitik umano noon sa mga halaman na pinagmumulan ng “tambo" ang lugar kaya pinaniniwalaan na pinangalanan itong “Tambobong." Kalaunan ay nakilala na ang lugar sa “labon" na nakukuha sa mga kawayan – na isinasahog sa pancit – kaya nakuha naman ang kasalukuyan nitong pangalan na “Ma-labon." Noong panahon ng himagsikan sa mga mananakop na Amerikano, ang Malabon ay naging bahagi ng lalawigan ng Rizal. Taong 1975 nang ideklarang bahagi ng Metro Manila ang Malabon na noo’y ay munisipalidad pa lamang. Taong 1999 nang maipasa ang batas na gawing lungsod ang Malabon, at nagkaroon ito ng katuparan pagkaraan ng plebisito noong 2001. - FRJ, GMA News