Kaalyado ni PNoy na Akbayan, pinayagan ng Comelec na sumali sa 2013 party-list elections
Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification cases na inihain laban sa grupong Akbayan Citizens' Action Party, na kilalang kaalyado ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa botong 4-2, sinabi ni Comelec chairman Sixto Brillantes Jr. na pinayagan ng komisyon na tumakbong muli sa 2013 party-list elections ang Akbayan, at ang karibal nitong grupo na Bayan Muna. Parehong pinupuna ang Akbayan at Bayan Muna na dapat idiskuwalipika dahil “multi-sectoral" ang mga ito at walang kinakatawan na partikular na “marginalized" sector. Noong nakaraang buwan, nabulabog ang press conference ng Akbayan nang magsisigaw at batikusin sila ng ilang kasapi ng Anakbayan, ang militanteng grupo na kaalyado ng Bayan Muna. Kabilang sa mga bumoto pabor sa pagtakbo ng Akbayan at Bayan Muna ay sina Commissioners Rene Sarmiento, Elias Yusoph, Christian Lim at Armando Velasco. Samantala, bumoto naman kontra sa dalawa sina Commissioner Lucenito Tagle at Brillantes. Hindi naman nakisali sa deliberasyon ang bagong talaga na si Commissioner Grace Padaca dahil hindi sila nakasama sa mga nagdaang pagtitipon na tumalakay sa nasabing usapin. Ayon kay Sarmiento, kilala na ang Akbayan at Bayan Muna na kumakatawan sa mga marginalized at underrepresented sectors sa bansa. "I think they deserve to be in Congress," anang opisyal. "After all they have a long track record in representing the marginalized. It can be seen in the bills and laws passed in Congress." Sa paglusot ng Akbayan, sinabi ni Renato Reyes ng grupong BAYAN, kaalyado rin ng Bayan Muna, na pagpapatunay ito na paborito ng Palasyo ang grupo. “As petitioners in the disqualification case against Akbayan, we are aghast at the result of the voting of the Comelec allowing Akbayan to run in the partylist polls on 2013," nakasaad sa pahayag ni Reyes. "How can the five commissioners not see that Akbayan is a party in power that has influential cabinet officials and has multi-million peso campaign donors from the country's ruling elite?," dagdag niya. Una rito, inihayag ng Malacanang na ipinauubaya nila sa Comelec ang pagtalakay sa usapin ng Akbayan at iba pang party-list groups. Nanawagan din sila na hindi dapat isali ang pamahalaan sa iringan ng Akbayan at Bayan Muna. Ilan sa mga opisyal ng Akbayan ang nakapuwesto sa pamahalaan kabilang sina Commission on Human Right (CHR) chairperson Etta Rosales at Presidential Adviser of Political Affairs na si Ronand Llamas. Sa isinumiteng statement of election contributions and expenditures ng Akbayan sa nakaraang 2010 elections, lumitaw na umabot sa P14 milyon ang ibinigay na kontribusyon ng mga kapatid ni Aquino sa Akbayan. - FRJ, GMA News