ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kasambahay bill, lusot na sa bicam; 13th month pay at leave with pay, pasok sa benepisyo


Nagkasundo na ang mga kinatawan ng Kamara de Representantes at Senado na magtakda ng buwanang sahod at mga benepisyo para sa tinatayang dalawang milyong kasambahay sa Pilipinas. Sa pulong balitaan sa Kamara nitong Martes, sinabi ni Aurora Rep. Juan Edgardo Sonny Angara, na napagkasunduan ng mga kongresista at senador sa isinagawang bicameral conference committee na aprubahan na ang panukalang batas bilang pamasko sa mga kasambahay. “We stayed up until 1 a.m. this morning. We agreed that we set a minimum wage for the domestic workers and after a year, we will leave it up to the wage boards to adjust the wages," paliwanag ni Angara, isa sa mga may-akda ng panukala. Napagkasunduan umano sa bicameral committee na itakda ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila sa hindi bababa P2,500; hindi naman bababa sa P2,000 ang mga kasambahay sa chartered cities at first class municipalities; at hindi bababa sa P1,500 sa mga nagtatrabaho sa munisipalidad. Pagkaraan ng isang taon matapos maipatupad ang panukala, ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards na ang magpapasya kung kailangang itaas ang sahod ng mga kasambahay. Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Sen. Estrada, chairman ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, sa ilalim ng Article 143 ng Labor Code, ang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila at highly urbanized cities ay P800 lamang; P650 sa other chartered cities and first-class municipalities; at P550 sa other municipalities. Dagdag niya, ang huling pagkakataon na naitaas ang sahod ng mga kasambahay ay noong 1993 sa pamamagitan ng Republic Act 7655. "The amounts stated in our Labor Code are very much outdated and unrealistic, considering the high cost of living especially in the metropolis. I think it is high time to increase the minimum wage which can be considered decent compensation," paliwanag ng senador, na isa ring awtor ng panukala. Ikinalugod naman ni Cibac party-list Rep. Sherwin Tugma, ang naging hakbang ng mga kongresista at senador na kasama sa bicameral committee. “Once there is existing wage, you cannot diminish it, that’s why the legislators are carefully deliberating it, setting the right amount so as not to burden the employers," paliwanag niya. Bukod sa mas mataas na buwanang sahod, sinabi ni Angara na nakapaloob din sa panukalang batas na bigyan ang mga kasambahay ng mga social benefits gaya ng Social Security System, Philhealth, at Pag-Ibig Fund. Ang mga kasambahay na mahigit isang taon nang naninilbihan sa kanyang amo ay dapat bigyan ng limang araw na incentive leave with pay at 13th month pay. “Premium payments will be shouldered by employers if the helpers receive a monthly salary below P5,000. If salary is P5,000 and above, payment of SSS and Pag-ibig contributions will be shared by both the employer and helper, while Philhealth premiums will still be paid in full by the employer," paliwanag ni Angara. Mahigpit naman ipinagbabawal sa panukala ang pagkuha ng mga kasambahay na menor de edad na wala pang 15-taong-gulang. Hihintayin na lamang na ratipikahan sa Kamara at Senado ang panukalang batas bago papirmahan kay Pangulong Beningo “Noynoy" Aquino III upang ganap na maging batas. - RP/FRJ, GMA News