ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gumagawa ng pekeng pera, timbog sa Cebu City; pekeng P1,000, ibinebenta ng P85


Nagsimula sa eksperimento, naging hanap-buhay umano ng isang graphic artist ang paggawa ng mga pekeng pera sa Cebu City. Sa ulat ni GMA-Cebu reporter Randy Gullon sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing tinatayang P350,000 halaga ng mga pekeng pera ang nasabat sa bahay ng suspek na si Richard Uy sa barangay Kasambagan, Cebu City. Sa pagsalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI-Region 7) sa bahay ni Uy, nakita dito ang mga pekeng P1,000 at P500 bills, mga foreign currency, at computer at printer na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng mga pekeng pera. Ayon kay Atty Bernard dela Cruz, operation head ng NBI, bago isinagawa ang raid ay pinabili muna nila ng pekeng pera ang kanilang asset para makumpirma kung positibo ang nakuha nilang impormasyon. Dagdag ng opisyal, sa isang araw ay kaya umano ni Uy na gumawa ng dalawang bundle ng pekeng pera. Ang pekeng P1,000 ay ibinibenta umano ng suspek ng P85 bawat piraso, habang P80 naman sa bawat piraso ng pekeng P500. Dalawang tao pa umano na sangkot din sa paggawa ng pekeng pera ang tinutugis ng mga operatiba ng NBI. Samantala, hindi naman itinanggi ni Uy ang alegasyon laban sa kanya at haharapin na lamang umano niya ang isasampang kaso. Kasabay nito, muling nagbabala sa publiko ang opisyal laban sa mga pekeng pera na posibleng kumalat ngayong panahon ng kapaskuhan. - FRJ, GMA News