Filtered By: Topstories
News

Mga kabaong, ipaparada sa Maynila sa paggunita ng Maguindanao massacre


Aabot sa 100 kabaong ang ipaparada sa Maynila sa Biyernes para sa paggunita ng ikatlong taon ng Maguindanao massacre kung saan 57 katao ang nasawi – kabilang ang 34 na mamamahayag. Ang parada ng mga kabaong ay magsisimula dakong 2:30 p.m. sa Welcome Rotonda at tutuloy hanggang sa Liwasang Mediola na malapit sa Malacañang. Ang 153 kabaong ay sisimbulo sa 153 mamamahayag na pinaslang sa bansa mula noong 1986. Kabilang sa lalahok sa parada ang mga media group na National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Philippine Press Institute (PPI), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), Freedom Fund For Filipino Journalists (FFFJ), Center for Community Journalism and Development (CCJD), at Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas. Sa lalawigan ng Bulacan, nagkakaisang nagmartsa din sa harap ng kapitolyo ang may 200 mamamahayag at mag-aaral nitong Miyerkules ng gabi bilang paggunita sa Maguindanao massacre at International Day To End Impunity. “Dapat matigil na ang pamamaslang sa mga mamamahayag dahil kawawa ang susunod na henerasyon," ayon kay Dino Balabo, chairman ng NUJP-Bulacan Chapter.

Ginunita ng may 200 mamamahayag at mag-aaral nitong Miyerkules ng gabi sa bakuran ng kapitolyo ng Bulacan ang Maguindanao massacre at International Day To End Impunity. Ang sinindihang mga kandila ay simbulo ng 153 mamamahayag na pinaslang mula noong 1986. Rommel Ramos, GMANews.TV
Sinuportahan ito nina Carmela Reyes-Estrope at Shane Velasco na kapwa kasapi rin ng NUJP at kapwa guro sa pamamahayag sa Bulacan State University. Kasabay nito, binigyang diin nila na isa sa susi upang makaiwas sa karahasan ang mamamahayag ay maging responsable. Idinagdag naman ni Nestor Torres ng UNTV na dapat maging mapagkumbaba ng mga mamamahayag upang magsilbing modelo sa mga pamayanan. Sa isang pahinang pahayag, hinamon ng NUJP Bulacan ang administrasyong Aquino na tuparin ang pangako nito na wakasan ang kultura ng karahasan sa bansa na isa umanong banta sa demokrasya. “Kung ang pamamaslang sa mga mamamahayag ay magpapatuloy, anong kinabukasan ang naghihintay sa mga mag-aaral ng pamamamahayag ngayon, at maging sa susunod na salinlahing Pilipino kung ang mga tagapaghatid ng balita at katotohanan ay namumuhay sa mundo ng takot," nakasaad sa pahayag ng NUJP. – RRamos/FRJ, GMA News