Edad para managot sa batas, dapat na nga bang ibaba sa 12-anyos?
Isang babae, sangkot sa pagpatay sa isang lalaki. Edad ng babae, kinse. Dalawang kabataang lalaki, suspek sa pagpatay sa isang bata. Edad ng mga hinahanap na suspek, nasa 17-anyos pababa. Ilan lamang ito sa mga napabalitang krimen sa nakaraang mga araw na kinasangkutan ng mga minor de edad. Ngunit hindi basta-basta puwedeng ikulong ang mga akusado dahil wala pa sila sa edad na 18 -- ang itinakdang edad sa batas upang kasuhan at malitis sa korte ang mga taong nagkakasala sa batas. Ang pagdami ng mga kabataan na nasasangkot sa krimen ngayon ay nagdulot ng pagkabahala sa ilang opisyal ng Department of Justice na nagbabalangkas ngayon ng bagong Criminal Code ng bansa. Sa isang ulat ni Lia Manalac del Castillo sa GMA news 24 Oras, inihayag ni Undersecretary Geronimo Sy, chairman ng criminal code committee ng DOJ, na dapat ibaba sa 12-anyos mula sa kasalukuyang 15-anyos ang edad ng mga taong maaaring managot sa batas kapag nasangkot sila sa anumang krimen. Puna ni Sy, marami nang kabataan ngayon ang nasasangkot sa iba’t ibang krimen -- magmula sa simpleng snatching, hanggang sa mapangahas na pagnanakaw, panghahalay at maging pagpatay. May mga minor de edad din umanong ginagamit sa pagtutulak ng iligal na droga. Sa ilalim ng kasalukuyang Juvenile Justice Welfare Act, maaari lamang asuntuhin ang isang kabataan kung edad 15 na ito at matutukoy na alam niya ang kanyang ginawa. Gayunpaman, hindi siya maaaring idetine sa regular na kulungan at sa halip ay ipinapasa sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang Bureau of Child and Youth Welfare ng DSWD ang namamahala sa mga kabataang nasasangkot sa krimen. Kung tawagin ang mga kabataang ito ay children in conflict with the law, youth offenders o juvenile delinquents. Sa BCYW, hindi hatol kundi rehabilitasyon ang tawag sa ginagawang paglalagay sa kanila sa pangangalaga ng DSWD. Pero paglilinaw ni Sy sa ulat ng 24 Oras, sa binabalangkas nilang bagong crime code na papalit sa Revised Penal Code, hindi rin naman basta ipakukulong ang kabataan na nasangkot sa krimen kahit ibaba sa 12 anyos ang edad ng criminal liability. Paliwanag niya, kung mababang uri lang ang kinasangkutan krimen ng kabataan, hindi siya makukulong pero magkakaroon ng tinatawag na “intervention." Pero kung ang edad ng sangkot ay 15-anyos at mabigat ang nagawa nitong gaya ng panghahalay, pagnanakaw at pagpatay, hindi na siya dapat palusutin sa criminal responsibility. Sakabila ng mungkahi ni Sy, nagpahayag umano ng pagtutol dito si DOJ Secretary Leila de Lima at nais panatilihin ang criminal liability sa edad na 15 at hindi dapat ibaba sa 12. Sa Kamara de Representantes, naghain ng panukalang batas si Rep. Mel Senen Sarmiento na naglalayong palakasin ang Juvenile and Welfare Act of 2006, dahil na rin sa dumaraming kabataan na nasasangkot sa krimen. -- FRJimenez, GMA News