Suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa UPLB student, huli na
Nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa babaeng mag-aaral ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong Lunes. Sa tulong na rin ng mga kamag-anak ng suspek, isinuko sa pulisya nitong Biyernes si Benigno Cayetano Nayle, na hinihinalang pumatay sa biktimang si Victoria Reyes, agriculture student sa UPLB. Matapos makakuha ang pulisya ng impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan sa suspek, tinungo nila ang Tanauan, Batangas kung saan nagtago si Nayle. Isinuko si Nayle ng kanya mismong lolo na si Gonzalo Atienza na dating kapitan ng barangay sa lugar. Si Atienza umano ang kumumbinsi sa suspek na sumuko para linisin nito ang kanyang pangalan. Bagaman itinanggi ni Nayle na sangkot siya sa krimen, iginiit na pulisya na may testigo sila na magdidiin sa suspek. Sa ulat ng GMA News TV’s QRT, sinabi Nayle na may nakaaway siyang killer sa kanilang lugar sa Laguna kaya nagtungo siya sa Batangas. Ayon kay Atienza, sa bundok natutulog ang kanyang apo mula nang magpunta ito sa Batangas. Ibinigay umano kay Atienza ang pabuya dahil sa ginawa nitong pagpapasuko sa suspek. Noong Lunes ay natagpuan sa kanilang bahay ang biktimang si Reyes na patay at may mga saksak. Nawawala rin ang ilang bagay sa loob ng bahay. Inilarawan ng Biñan police dati nang sakit ng ulo si Nayle sa kanilang lugar at mayroon na umanong mga dating kaso. — FRJ, GMA News