2 sawa, nahuli malapit sa LRT depot sa Pasay City
Dalawang sawa – ang isa ay may habang 13.2 feet – ang nahuli malapit sa Light Rail Transit Line 1 sa Pasay City depot, ayon mismo kay LRT Authority (LRTA) spokesman Hernando Cabrera. Sa kanyang Twitter account nitong Biyernes, sinabi ni Cabrera na ang 13.2 feet na sawa ay nahuli sa tambakan o junkyard ng depot. Nitong Sabado ng umaga, muling nag-post si Cabrera ng panibagong litrato na nagpapakita ng isa pang sawa na nahuli sa lugar. "Please pass the message to the Department of Environment and Natural Resources' Wildlife Bureau for them to take custody of the snakes," ayon kay Cabrera. Sa ulat naman ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, ikinuwento ng isang trabahador na si Ricky Tubongbanua na naglilinis sila sa masukal na bahagi ng junkyard nang makita ang sawa. Hindi umano nito akalain na malaki ang sawa dahil maliit lang ang ulo na una niyang nakita. Sa kabila ng pagkakahuli sa mga sawa, tiniyak ng pamunuan ng LRT na ligtas sumakay sa kanilang tren- FRJ, GMA News