Mga residente sa EVisayas, Mindanao pinaghahanda sa darating na bagyo
Pinaghahanda ng state weather forecasters ang mga residente sa mga tabing-dagat sa Eastern Visayas at Mindanao laban sa paparating na bagyo. Sa panayam sa dzBB nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni Elvie Enriquez, weather forecaster ng PAGASA, na ang bagyong sa ngayon ay may international codename na "Bopha," ay maaaring papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Linggo o 'di kaya'y maaga sa Lunes, at mararamdaman sa kalagitnaan ng susunod na linggo. "Pinag-iingat natin lalo na ang mga lugar na unang tatamaan ng bagyo, ang coastal area sa eastern part ng Visayas at Mindanao," ayon kay Enriquez. Sinabi rin niya na maliit lamang ang tsansa na makaaapekto ito sa Kamaynilaan at sa kalakhang Luzon. Nagbabala rin si Enriquez na masyadong malakas ang hangin pagpasok na pagpasok sa PAR ng bagyo dahil nag-iipon pa ito ng lakas habang nananatili sa karagatan. Papangalanan ng "Pablo" ang bagyo kapag pumasok na ito sa PAR, at ito ay ang ika-16 na bagyo sa bansa sa taong ito. "Sunday or Monday siya papasok sa PAR, pero two to three days pa bago ito mararamdaman," dagdag pa ni Enriquez. — LBG, GMA News