2 FEU students, patay matapos barilin sa labas ng unibersidad
Patay ang dalawang estudyante ng Far Eastern University (FEU) sa Maynila, at isa pa ang sugatan matapos silang pagbabarilin sa labas ng unibersidad nitong Martes ng gabi. Sa late night news ng GMA's Saksi, kinilala ang mga nasawi na sina Gerald Ramos at Paulo Nepomuceno. Sugatan naman si Adrian Joseph Santiago. Binaril umano ang mga hindi pa nakikilalang suspek ang mga biktima sa labas ng gate ng pamantasan dakong 8:00 p.m. habang papunta ang mga ito sa R.Papa St. Nakilala ang mga biktima na estudyante ng FEU dahil sa suot nilang T-shirt na may pangalan ng unibersidad. Walang testigo na makapagbigay ng pagkakakilanlan sa mga suspek. Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung ano ang motibo sa naganap na pamamaril. Noong nakaraang Oktubre, isang mag-aaral na babae ng University of Santo Tomas ang nasugatan matapos saksakin sa loob ng FEU. Dahil sa naturang insidente ng pananaksak, anim na mag-aaral ng FEU ang kinasuhan ng pulisya ng frustrated murder.- FRJimenez, GMA News