Coast Guard: 2 nawawala sa pagsadsad ng barko sa Siquijor
Dalawang tripulante ang pinaghahanap ngayon matapos malagot ang tali ng angkla ng kanilang barko at tumagilid malapit sa isang daungan sa Siquijor Island. Ayon sa Coast Guard, tuluyang sumadsad sa baybayin ng bayan ng Maria ang barko noong Martes ng hapon. Sa ulat ni Carlo Mateo sa dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Philippine Coast Guard Rear Admiral Luis Tuazon na binayo ng malalaking alon at malakas na hangin ang M/V Euro 3 at napatid ang lubid sa angkla nito. Nagsisipagtalon umano sa dagat ang mga opisyales at tripulante ng barko. Agad namang nasagip ng mga residente ang ilan sa mga crew ng barko at dinala sa malapit na health center. Pinaghahanap na ng mga miyembro ng search and rescue groups ng PCG ang dalawang nawawalang tripulante, ayon sa ulat. — LBG, GMA News