Deadly flash flood noong 1991
Dalawampu't isang taon na ang nakalilipas nang maganap ang itinuturing pinakamapaminsang pagbaha na naganap sa Pilipinas na pinaniniwalaang kumitil sa halos 8,000 buhay sa isang bayan ng Leyte. Kasabay ng pananalasa ng bagyong “Uring" (Thelma) noong Nobyembre 5, 1991, bumuhos ang malakas na ulan na lumikha ng flash flood sa Ormoc, Leyte. Ang resulta nito, pagkasawi ng may 4,900 katao at pagkawala ng mahigit 3,000 iba pa. Tinatayang 14,000 kabahayan din ang nawasak at umabot sa mahigit P600 milyon ang pinsala sa mga ari-arian. Marami sa mga bangkay ay tinangay din ng baha patungo sa dagat. Kalunos-lunos din ang eksena na dinadala sa mass grave ang mga nakukuhang bangkay na isinasakay na sa dump truck. Ang pagkakalbo sa mga puno sa bundok at hindi maayos na drainage system ang itinuturong naging dahilan ng trahedya sa Ormoc. - FRJimenez, GMA News