ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Marquez, panalo via KO matapos itumba si Pacquiao sa ika-6 na round


Matapos ang walong taon na pagsisikap, nakamtan na rin ni Mexican boxer Juan Manuel Marquez ang tagumpay na pinakaasam-asam laban kay "Pambansang Kamao" Manny Pacquiao. Napatumba ni Marquez si Pacquiao na sa yugtong iyon ay kampanteng-kampante sa laban. Nasalubong ni Pacquiao ang kanang kamao ni Marquez na naipanalo ang laban sa pamamagitan ng KO sa kanilang ikaapat na pagsagupa sa ring nitong Linggo (Sabado sa US) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas. Nasapul ni Marquez ang baba ni Pacquiao. Natumba pataob at nawalan ng malay ang Pambansang Kamao. "I never expected that punch," ani Pacquiao matapos ang laban. "He gave me a good shot. That's boxing, sometimes we get hit." "I started to get overconfident, but I never expected that punch." Ayon naman kay Bob Arum, CEO ng Top Rank promotions: "This fight will go down in history as a ring classic. If they want to fight again, why not?" Samantala, isinugod na si Pacquiao sa ospital matapos ang kanyang pagkatumba, ayon sa Twitter account ng Top Rank Boxing. Sa kanyang pagkapanalo, naitaas ni Marquez ang kanyang rekord sa 55 na panalo, anim na pagkatalo, at isang draw. Samantala, bumaba ang pagkapanalo ni Pacquiao sa 54, limang pagkatalo at tatlong draws. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News