Mahigit 90 katao, sumama ang pakiramdam matapos dumalo sa birthday party sa Iloilo
Inabutan ng GMA News ang pagmamadali ng ilang residente sa Brgy. Wilson Jalandoni sa Iloilo City para maisugod ang mga ito sa ospital bunga ng pagsama ng pakiramdam matapos dumalo sa isang birthday party ng kapitbahay. Sa ulat ni GMA-Iloilo Jennifer Muneza sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing aabot sa 98 katao sa barangay ang nakaramdam ng pagsusuka at pananakit ng tiyan. Ayon kay Kapitana Edna Cajilig, noong una ay inakala nilang dulot lang ng panahon ang pagsama ng pakiramdam ng mga tao. Kumain daw ang mga biktima ng spaghetti, bihon at valenciana sa naturang party ng kanilang kapitbahay. Hindi pa matiyak ng mga duktor kung ano ang dahilan ng pagkakasakit ng mga tao. Pero kwento ng ilang biktima, may nalasahan silang kakaiba sa pagkain na tila lasang sabon. Tiniyak naman ng nagpakain na malinis ang inihanda nilang pagkain kasabay ng paghingi ng pang-unawa sa mga naospital. Nakahanda naman daw ang lokal na pamahalaan na tumulong sa mga biktima. -- FRJ, GMA News