Sa taong ito, nalasap ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang ikalawang sunod niyang pagkatalo. Una, ang kontrobersiyal na split decision kay Timothy Bradley, at ikalawa ang nakagigimbal na knockout kay Juan Manuel Marquez. Dahil dito, lumutang ang katanungan kung panahon na ba para magretiro si Pacquiao sa boksing? Sa nalalabing segundo ng ika-anim na round ng klasikong "Pacquiao-Marquez 4" fight sa Las Vegas noong Linggo, isang matinding suntok ang pinakawalan ng 39-anyos na si Marquez na sinalubong at tumama sa nguso ni Pacquiao.

Laking gulat ng mga manonood nang makita nilang padapang bumagsak ang walang malay na si Pacquiao. Ilang minuto muna ang lumipas bago siya nagkamalay. Pero nang makapanayam matapos ang laban, inihayag ng fighting congressman ng Sarangani na muling siyang sasabak sa pagsasanay at lalaban. Katunayan, dalawang taon pa o hanggang 2014 ang kontratang pinirmahan ni Pacquiao sa kanyang promoter para lumaban. Kung dalawang laban bawat isang taon ang gagawin ni Pacquiao, apat na laban pa ang posible nating aabangan sa kanya. Sinabi ni Pacquiao na maganda ang kanyang kondisyon nang magharap sila ni Marquez. Pero sadyang minalas lang siya nang mahagip ng pampatulog na suntok ng binansagang "dinamita" ng Mexico. Kung tutuusin, mas bugbog sa naturang laban ang pambato ng Mexico dahil duguan na ang mukha nito sanhi ng pagkakabali ng ilong mula sa mga suntok ni Pacquiao. Nakararamdam na nga raw ng panalo si Pacman sa susunod na round hanggang sa mangyari ang hindi inaasahan. Sa mga pagsusuring ginawa kay Pacquiao matapos ang laban, lumitaw na wala namang iniwang permanenteng pinsala sa katawan ang nangyaring knockout. Para kay Pacquiao na magdiriwang ng kanyang ika-34 na kaarawan ngayong Disyembre,
hindi pa panahon para magretiro siya sa boxing. Inihayag niyang kasama sa boksing ang matalo gaya nang sinapit niya kay Marquez. Sa ulat ni Rey Pumaloy na lumabas sa
Philippine Entertainment Portal, nagpahayag din ng paniwala si Aurora Rep. Sonny Angara na kaya pa ng kanyang kapwa kongresista na si Pacquiao na sumabak sa ilan pang laban. Ngunit hindi rin naman daw niya nais na magtagal pa ito sa pagboboksing dahil na rin sa peligro ng mga suntok na nakakaapekto sa kalusugan ng boksingero pagtagal. Ginawa niyang halimbawa ang Parkinson's Disease na dumapo sa isa ring boxing icon na si Muhammad Ali na sinasabing dulot ng mga tinamo nitong suntok sa pagboboksing ang naging sakit. Pero kung ang ina ni Pacquiao na si Mommy Dionisia ang masusunod, dapat tumigil na sa pagboboksing ang kanyang anak. Ang nakaraang mga pagkatalo ay dapat daw magsilbing mensahe sa anak na kailangan na nitong tumigil sa pagboboksing. Maging si Rustico Torrecampo, ang unang bosingero na tumalo at nagpatumba kay Pacquiao, naniniwala rin na dapat nang magretiro sa boksing ang kanyang idolo. (
Basahin:
3 boksingero na nagpatumba kay Pacquiao) Nakamit na naman daw ni Pacquiao ang mga biyaya at nakapag-iwan na ng marka sa pagboboksing. Hindi niya rin daw nais na mapahamak pa ang kanyang idolo sa loob ng ring. Ganito rin ang pananaw ng
dating world champion na si Ricky Hatton, na pinatulog ni Pacquiao sa ring nang maglaban sila noong 2009. Ano pa nga raw ba ang makakamit ni Pacquiao kung lalaban pang muli gayung matindi na ang iniwan nitong marka sa boksing na eight-weight world champion, ayon kay Hatton. -
FRJimenez, GMA News