'Twilight' at 'The Hunger Games' sa Filipino: Babasahin mo ba?
'Twilight,' 'The Hunger Games,' 'The Vampire Diaries'—ilan lamang ito sa mga sikat na librong tinangkilik ng libo-libong mga mambabasa at tagahanga sa iba't ibang bahagi ng mundo. Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang mga sikat na librong ito ay may bersyon na sa wikang Filipino. Sa pamumuno ng Precious Pages, isa sa mga sikat na romance novel publishing house sa Pilipinas, isinalin ang ilang 'bestsellers' o mga librong patok sa mga mambabasa—karamihan para sa kabataan—sa wikang Filipino. Nagsimula ang lahat sa ideya ni Segundo Matias Jr., co-founder ng Precious Pages, na nakuha niya mula sa pagbiyahe sa mga mauunlad na bansa. Sa naganap na Read Lit District conference noong Nobyembre, inihayag ni Matias na pangarap niyang makasabay ang Pilipinas sa mga bansa sa Europa at Asia na nagsasalin ng mga libro sa sarili nilang mga wika. Ayon sa kanya, kahit na marunong magsalita at bumasa sa wikang Ingles ang mga tao sa ibang bansa, inilalathala pa rin nila ang mga sikat na libro sa sarili nilang wika. Mula dito nabuo ang 'Takipsilim,' ang Filipino bersyon ng 'Twilight' ni Stephenie Meyer, at ang 'The Vampire Diaries' ni L.J. Smith. Sumunod sa mga ito ang kalalabas lamang na 'The Hunger Games' ni Suzanne Collins. Gayunpaman, napuno ng kontrobersya ang 'Takipsilim' nang unang inilabas ito noong Mayo ng taong ito. Ayon kay Matias, may mga pumuna sa paggamit ng Inggles sa isinaling bersyon. "Marami raw masyadong English words na ginamit," aniya. "Pero nung pina-check ko naman, kaunti lang namang English [words] ang ginamit." "Ang ginamit din kasi, conversational, natural na pagsasalita. Kung paano nag-uusap sa tunay na buhay, iyon ang ginamit namin," giit niya. Para kay Rolando Tolentino, dekano ng University of the Philippines College of Mass Communications at matuturing na eksperto sa kulturang popular, ang paraan ng pagsasalin ng Precious Pages ng 'Twilight' ay maaaring kontribusyon sa pamamaraan ng pagsalin sa makabagong panahon. "'Yung mga pop translations, kumbaga mare-rethink ang the way we translate na hindi dapat stiff na Filipino or formal. Medyo pop na, na parang mas into it 'yung mga kids," aniya. "Periodically rin, nare-review rin 'yung mga translation para mas inflected by newer words and social experience of especially the young people," dagdag niya. 'Entry point' Ayon kay Tolentino, ang pagsasalin ng mga bestseller na mga libro sa Filipino ay makatutulong sa mga mambabasa--partikular na sa kabataan--na maging bukas sa mga lokal na basahin. "Magandang entry point for a lot of young people," ani Tolentino sa GMA News Online. "Kailangang ma-open up ang opportunities for iba pang local writings, or even foreign writings, to be translated in Filipino." Aminado naman si Matias na "for pleasure" ang mga isinaling libro, ngunit umaasa rin siyang makatutulong itong maengganyo at mapalawak ang pagbabasa ng mga lokal na akda sa bansa. Ayon sa kanya, inaasahan niyang magkaroon ng mas maraming mambabasa ang mga patok na libro na isinalin sa wikang Filipino. Umaasa rin siyang makatutulong sa pagbenta ng mga librong ito ang mababang presyo: sa halagang P199, makabibili na ng isinaling bersyon ng "Twilight." Dagdag naman ni Ruel de Vera, manunulat sa pahayagan at guro sa Ateneo De Manila University, nakatutulong na mayroon nang malaking audience ang mga 'bestseller' --lalo na ang may pelikulang bersyon--sa pag-unlad ng mga isinaling libro. Ayon sa kanya, may ilang nakabasa na ng Ingles na bersyon, o nakapanuod ng pelikula, ang naghahanap ng ibang karanasang mula sa mga isinaling bersyon. Sa pamamagitan ng pagsasalin, mabibigyan ng panibagong kulay ang mga orihinal na akda. 'May iba pang mas maganda" Samantala, si Kristian Sendon Cordero, isang sikat na manunulat at tagasalin, ay hanga rin sa mga bansang nakapaglabas ng mga librong isinalin sa sariling wika. "Sa Indonesia, noong inilabas ang Harry Potter, isang araw lang, may translated version na," aniya. Gayunpaman, naniniwala siyang may mga akda, maliban sa 'Twilight,' na mas karapat-dapat isalin sa wikang Filipino at bigyang atensyon ng mga mambabasa. Giit naman ni Matias, pinili niya ang mga naunang libro dahil "in line" ang mga ito sa tema ng mga librong inilalabas ng kanyang kompanya, na pawang romance novels. Ngayong Disyembre, inaasahan ang paglabas ng isinaling bersyon ng 'Fifty Shades of Grey' ni E.L James. Sa susunod na taon naman, asahan ang paglabas ng isinaling bersyon ng mga nobela ng awtor na si Nicholas Sparks. – YA, GMA News