ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, nakisimpatya sa mga kaanak ng mga nasawi sa pamamaril sa Connecticut, USA


Nakiramay si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa mga kaanak ng 28 tao na namatay – kasama ang 20 batang estudyante -- sa isa na namang insidente ng pamamaril na naganap sa isang paaralan sa Connecticut sa Amerika.   "At this time of the deepest mourning over the tragic loss of life in Connecticut, I extend the deepest sympathy and solidarity to the families of those who lost loved ones in the Sandy Hook Elementary School," nakasaad sa pahayag ni Aquino nitong Sabado ng hapon.   Sinabi nito na nakiki-isa ang mga Pilipino sa pagdadalamhati ng mga kamag-anak ng mga biktima, at gayundin sa paghahanap ng kasagutan sa naganap na trahedya. “Together with the entire Filipino people, we stand beside you with bowed heads, yet in deep admiration over the manner in which the American people have reached out to comfort the afflicted, and to search for answers that will give meaning and hope to this grim event," ayon sa pangulo.   “We pray for healing, and that this heartbreak will never be visited on any community ever again," dagdag nito.   Nitong Biyernes, pinagbabaril ng isang 20-anyos na lalaki ang 27 katao -- kabilang ang 20 batang mag-aaral na may edad na lima hanggang sampu. Itinuturing ang insidente bilang isa sa pinakamalagim na insidente ng pamamaril sa kasaysayan ng Amerika.   Natagpuan din ang pinaniniwalaang salarin na patay sa loob ng Sandy Hook Elementary School sa Newtown, Connecticut.   Sa report ng News York Times, sinabing pumasok ang salarin sa silid-aralan ng nabanggit na paaralan at binaril nito ang kanyang sariling ina, isang guro sa paaralan, at pagkatapos ay isinunod na ang mga batang mag-aaral. Ilang tao pa umano ang binaril ng suspek bago ito nagbaril sa sarili.   Dinakip ng mga pulis ang kapatid ng hinihinalang suspek at patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Ilan pa sa mga insidente ng pamamaril sa US ay naganap sa isang paaralan sa Columbine, Colorado; gayundin sa isang unibersidad sa Blacksburg, Virginia; at sa isang sinehan sa Aurora, Colorado. Sa isang panayam kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa dzRB radio, sinabi nito na higit na masakit ang nangyaring trahedya dahil marami ang batang napaslang at naganap ito sa panahon na magpapasko. "Siguro may dagdag na kurot kasi maliit na paslit ang ... nabiktima. Our deepest condolences go out to the families, teachers and loved ones. Our hearts and minds are with them and prayers with them as they go through a very difficult time, magpapasko pa naman," pahayag ng opisyal.   Tiniyak naman ni Valte na ginagawa ng mga awtoridad sa Pilipinas ang lahat upang hindi mangyari sa bansa ang katulad na karahasan na nangyari sa Amerika. Isa na umano rito ang kampanya sa pagsugpo sa ilegal o loose firearms kaugnay na rin sa paghahanda sa seguridad para sa papalapit na halalan sa Mayo 2013. "Under way ang kanilang kampanya. So far nakikita natin ang kanilang pagpupursigi," dagdag nito. Inihayag naman ni Philippine Ambassador to the US Jose Cuisia, na wala pa silang natatanggap na impormasyon kung may Pilipino na kasamang naging biktima sa pamamaril sa Connecticut. -- Rouchelle Dinglasan/FRJ, GMA News