ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga magnanakaw, sumalakay sa Pangasinan; pera ng simbahan, kasamang tinangay


Sinamantala ng mga magnanakaw ang pagiging abala ng isang mag-asawa sa pamimili ng panghanda sa Noche Buena nang salakayin nito ang isang bahay sa Sto. Tomas, Pangasinan. Sa ulat ni Mike Sabado ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing aabot sa P90,000 ang halaga ng alahas at cash ang natangay ng mga magnanakaw. Kasama sa nakulimbat ng mga suspek ang perang koleksiyon sa simbahan na nasa pangalaga ng Tresila Galaraga, na nagsisilbing treasurer sa simbahan. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pumasok ang mga suspek sa palikuran ng bahay ng mga biktima at dumaan sa kisame. May nakitang marka ng maruming kamay sa dingding ng bahay at naiwang tsinelas. Dalawang suspek ang hinahanap na ngayon ng mga pulis, kabilang ang mismong pamangkin ng mga biktima. Paniwala ng mga pulis, sadyang minanmanan ng mga suspek ang mga biktima at hinintay na umalis ng bahay ang mag-asawa bago sumalakay. Umaasa naman ang mga biktima na maibabalik ang kanilang mga alahas at pera, lalo na ang koleksiyon sa simbahan. - FRJ, GMA News