ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

20 riders, huli agad sa unang araw ng pagpatutupad ng helmet law


Sinimulan na ng mga awtoridad ang mahigpit na pagpatutupad ng bagong helmet law, kung saan ipinagbabawal ang pagsaky sa motorsiklo na walang helmet. Maaga pa lang nitong Biyernes, umabot sa 20 motorcycle riders sa Quezon City ang nahuli at mahaharap sa mga penalty dahil sa paglabag sa "Motorcycle Helmet Act." Pinangunahan ng mga operatiba ng Land Transportation Office ang pagpatutupad sa bagong batas. Tinutukan ng LTO ang Commonwealth Avenue, Philcoa at Quezon Memorial Circle, ayon sa ulat ni Manny Vargas sa dzBB. Nire-require ng Republic Act 10054, o ang "The Motorcycle Helmet Act" ang pagsuot ng helmet ng mga motorbike riders – maaaring half-faced na may clear visor, o 'di kaya'y full-faced helmet na may clear visor din – para sa kanilang proteksyon. Ayon sa batas, dapat ang helmet na isusuot ay may Import Commodity Clearance (ICC) sticker. Nakasaad sa batas ang mga sumusunod na kaparusahan sa mga paglabag:         1st offense – P1,500     2nd offense – P3,000     3rd offense – P5,000     4th offense – P10,000 and confiscation of license. Sa unang mga oras ng pagpatutupad ng batas nitong Biyernes, sinita ng mga taga-LTO ang isang mag-anak (tatlo sila) na nakasakay sa motorsiklo at hindi lahat sa kanila ay nakasuot ng helmet. Nahuli rin ang isang kawani ng Quezon City-Department of Public Order and Safety, ayon sa ulat. Kahit naka-helmet ang kawani ng DPOS, hinuli siya dahil walang ICC sticker ang kanyang helmet at hindi nakarehistro ang kanyang motorsiklo, dagdag pa ng ulat.   Samantala, marami sa mga nahuli ay may mga helmet na walang ICC stickers, at sinubukan pa umanong magpalusot sa pagsasabing kababalik lang umano nila sa Maynila mula sa mahabang bakasyon sa probinsya kaya hindi sila nakahabol sa deadline.   ICC stickers   Binigyan ng hanggang December 28, 2012 ang mga rider para makakuha ng ICC stickers.   Noong 2009 pa nagsimulang mag-release ng ICC stickers ang Department of Trade and Industry bilang pagtupad sa Motorcycle Helmet Act.   Mula noon, 1.5 milyon helmets lamang ang nalagyan ng ICC stickers, wala pa sa kalahati ng 3.2 milyong rehistradong motorsiklo sa bansa.   Nangangahulugan ito na 1.7 milyon motorcycle owners pa ang hindi pa nakapagpalagay ng ICC stickers sa kanilang helmets na dapat isusuot sa tuwing magmomotor sila.   Helmet safety   Pinaalalahanan ng Motorcycle manufacturers at transportation officials ang mga biker at mga nagmamay-ari ng motorsiklo na dapat siguraduhing ligtas ang mga helmet.   "The outer shell, inner foam, and comfort liner of a helmet should be of high quality," ayon sa kanila.   “Kunyari tinamaan 'yung ulo nang isang rider, siya (inner foam of helmet) 'yung mag a-absorb. Normally ito 'yung unang masisira,” ayon kay Ryan Chao, Manager ng Motorworld Philippines, sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes. sinabi ni Chao na kailangang makapal ang inner foam para kaya nitong ma-absorb ang "maximum force."   Samantala, sinabi ni Trade and Industry Undersecretary Zenaida Maglaya sa hiwalay na panayam na kung hindi fake, o tampered ang ICC sticker at ang helmet ay wala pang sira, garantisadong ligtas na gamitin ang helmet.   Ayon sa ilang nagmomotor, may mga helmet na may ICC stickers pero hindi naman matibay.  “Ang dami ko naman nakikitang mga [helmet na] China made. Ipalo mo lang sa pader basag 'yan,” ayon sa isang rider sa panayam ng "Unang Balita."   Samantala, sinabi ni Chao maaari pa ring ligtas na gamitin ang isang helmet na walang ICC sticker basta ito ay pumasa sa American o European safety standards, na ipinakikita naman sa mga label ng mga ito.  Kikilalanin din naman umano ito ng DTI basta may paraan para ma-verify na totoo ngang imported ang mga ito at pumasa sa standards. “If this is properly verified, na talagang ito ay nanggaling doon sa bansang iyon and was also tested and is compliant to that standard [in that country] then okay na siya,” ayon kay Maglaya. — LBG, GMA News