ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo, hindi pa rin sang-ayon sa parusang kamatayan para sa mabibigat na krimen


Patuloy na binabalewala ng Malacañang ang mga panawagang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa sa gitna ng mga sunod-sunod na krimen, tulad ng pagkamatay ng pitong-taong-gulang na si Stephanie Nicole Ella nang matamaan ng ligaw na bala at ng massacre sa Kawit, Cavite. Inihayag ni deputy Presidential spokesperson Abigail Valte nitong Linggo na hindi pa nagbabago ang posisyon ni Pangulong Benigno Aquino III laban sa capital punishment. “The position of the president as far as the death penalty is concerned has not changed, he is not for the death penalty," aniya sa government-run dzRB radio. Nauna nang inihayag ni Aquino na hindi siya sumasang-ayon sa pagpapatupad ng parusang kamatayan sa bansa sapagkat sa isang hindi perpektong justice system, maaaring mahatulan ng estado ang maling tao. Hiniling na ng ilang anticrime groups tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption sa administrasyong Aquino na suriin ang mga polisiya sa gun ownership at gun control. Sa ulat ng The Philippine Star, inihayag ni VACC founding chairman Dante Jimenez na dapat magbuo ang gobyerno ng mas matibay na gun control at ipatupad ang death penalty sa mga mabibigat na krimen. Nagkaroon muli ng pagdedebate tungkol sa gun control at mahigpit na parusa matapos ang pagkamatay ni Ella, na tinamaan ng ligaw na bala habang nanunuod ng mga nagpapaputok sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City noong salubong ng Bagong Taon. Noong Biyernes, binaril at napatay ni Ronald Bae ang ilang mga bata sa Kawit, Cavite. Nabaril at napatay rin si Bae nang rumesponde ang mga pulis. Gayunpaman, inihayag ni Valte na ang posisyon ni Aquino ay palaging para sa pagpipigil ng mga krimen. “The position of the President always when it comes to any form of crime is, the effective deterrent of crime is the knowledge there will be certainty of punishment. Bago mag-isip na may gumawa ng krimen, hindi ko gagawin kasi siguradong mahuhuli at makukulong ako. Certainty of punishment the best deterrent to crime,” aniya. Gun ban Habang patuloy ang panawagan ng ilang mga grupo na ipatupad ang gun ban, inihayag ni Valte na mayroong “wide spectrum of proposals” at ang lahat ng ito ay kanilang tatalakayin kay Aquino. “We will have to look at all of these and then discuss them with the President,” aniya. — Amanda Fernandez/BM, GMA News