ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lugar na may pinakamaraming sunog sa bansa


Alam n'yo ba kung saang lugar sa bansa mayroong naitalang pinakamaraming sunog noong 2011, at anong bahagi ng taon kadalasang nagaganap ang trahedyang ito? Batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), noong 2011 ay umabot sa 8,824 ang naitalang insidente ng sunog sa bansa. Mas kaunti pa ito kung ikukumpara sa 10,773 insidente ng sunog noong 2010. Noong 2011, 57.7 percent ng sunog ay nangyari sa unang bahagi ng taon. Umabot naman sa 67.9 percent ng sunog noong 2010 ang nangyari sa katulad ding panahon. Pinakamaraming sunog ang naganap sa Metro Manila, Western Visayas, at Calabarzon area (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon). Pinaka-kaunti naman ang insidente ng sunog sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), Caraga Region at Mimaropa. Sa mga insidente ng sunog sa Metro Manila, umabot sa 64 katao ang nasawi noong 2011, at 42 naman noong 2010. - FRJimenez, GMA News