ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
9 milyong deboto, dumalo sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno
Siyam na milyong mga deboto ang nakilahok sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Maynila, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Huwebes.
Nakasaad sa ulat ng NDRRMC nitong Huwebes na umabot sa siyam na milyon ang bilang ng mga deboto noong Miyerkules ng 5:30 ng hapon, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino.
Ayon sa NDRRMC, 24 mga deboto ang nasugatan o nahimatay. Ayon naman sa sa tala ng Red Cross, umabot sa 860 ang minor injuries, 36 ang major injuries at 577 ang mga nagpakonsulta kaugnay ang kanilang blood pressure.
Paglilinis sa kalat na naiwan
Samantala, nagsimula nang maglinis ang mga nakatalagang crew nitong Huwebes ng umaga sa kalat na naiwan ng mga debotong nakilahok sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno nitong Miyerkules sa Quiapo, Manila.
Tumulong ding maglinis ang mga residenteng naninirahan malapit sa Plaza Miranda at Quiapo Church matapos maibalik ang imahen ng Nazareno sa simbahan, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa radio dzBB.
Nagpasaboy naman ng tubig sa Plaza Miranda ang isang fire truck upang matanggal ang masamang amoy na naiwan ng ilang mga deboto, ayon sa ulat. Maliban sa pag-iiwan ng mga basura, inihian ng ilang mga deboto ang mga pader malapit sa plaza at simbahan.
Sa taong ito, nagtapos ang pagdiriwang ng pista lagpas 1 ng madaling araw ng Huwebes matapos ang 18-oras na prusisyon. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular