9-anyos na babae na dinukot, ginahasa at pinatay, natagpuan sa Cavite
Isang siyam na taong gulang na babae na nawala ng 12 araw ang natagpuang patay sa silong ng isang bahay sa Dasmariñas City sa Cavite. Ang lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktima, ilang metro lang ang layo sa bahay ng kanyang mga naghahanap na magulang. Sa panayam ng GMA News Online nitong Biyernes, sinabi ni PO1 Ellaine Magsino, ng Dasmariñas police, na apat na lalaking suspek ang nadakip kaugnay sa nasabing karumal-dumal na krimen. Isa sa mga suspek ay menor de edad. Lumitaw sa imbestigasyon na inireport ng mga magulang ng biktima na nawawala ang kanilang anak dakong 6:00 p.m. Noong Disyembre 25. Natagpuan ang bangkay ng biktima noong Enero 5 sa silong ng bahay sa Brgy. San Lorenzo II, tinatayang 10 hanggang 15 metro lang ang layo sa bahay ng biktima. Kinilala ni Magsino ang mga nadakip na suspek na sina Rodel Cubian, 23; Ryan Delequeña, 25; Jayson Cubian, 20, at ang 15-anyos na suspek na nasa pangangalaga ngayon ng Department of Social Welfare and Development sa Cavite. Kinasuhan na ang tatlo sa apat na suspek ng rape with homicide. Batay sa testimonya ng testigo, ikinuwento ni Magsino na si Cubian umano ang kumuha sa biktima dakong 11:00 a.m. nang unang araw na mawala ito. Dinala ng suspek ang biktima sa bahay kung saan nakasama niya ang tatlo pang suspek. Pagkaraan ng 12 araw, nakita ang bangkay ng bata sa silong ng nasabing bahay na natabunan ng lupa at basura. Sinasabing lasing umano sa alak ang mga suspek nang gawin ang krimen. Kaibigan ng suspek ang pamilya ng biktima Ayon sa testigo, dahil kaibigan ni Cubian ang pamilya ng biktima, hindi niya naisip na gagawan ng masama ng Cubian ang bata nang makita niyang magkasama ito. Pero nakunsensiya umano ang testigo at ipinaalam na sa pulisya ang kanyang nalalaman. Nadakip ang mga suspek noong Miyerkules at umamin daw sa kanilang nagawang krimen. Batay na rin umano sa pag-amin ng mga suspek, sinabi ni Magsino na hanggang tatlong ulit nilang hinalay ang bata hanggang sa namatay ito noong Enero 2 – tatlong araw bago nakita ang kanyang bangkay. Ngunit inaantay pa ng pulisya ang resulta ng isinagawang pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) para matiyak kung kailan talaga pumanaw ang biktima at ano ang dahilan ng pagkamatay nito. Nadiskubre ang bangkay ng biktima ng dalawang nangangalakal ng basura sa lugar. Nang kumalat ang balita sa lugar tungkol sa nakitang bangkay ng bata, kaagad na sumugod ang ina ng biktima at kinilala ang bangkay ng anak dahil sa suot nitong relo at bracelet nang araw na mawala siya. — G.GERONIMO/FRJ, GMA News