ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspek na nagnakaw ng bag, tumawag pa sa biktima para ipa-hold ang ATM account nito


Pambihira ang isang babaeng nagnakaw umano ng bag sa isang tindahan sa Iloilo City dahil nagawa pa nitong tawagan sa telepono ang may-ari ng bag para sabihan na ipa-hold ang kanyang ATM account. Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, nakunan sa CCTV camera ang ginawang pagpapanggap ng isang babae na kostumer ng pinasok niyang tindahan sa Iloilo City. Nang malingat ang tindera, pasimpleng hinablot ng suspek ang isang bag ng empleyada ng tindahan at saka umalis. Nalaman naman ng empleyada na nawawala na ang kanyang bag nang tawagan siya mismo ng suspek para abisuhan na ipa-hold ang kanyang ATM account. Kasama kasi sa bag na natangay ng suspek ang mga ID, ATM card at cash ng biktima. Nalaman ng suspek ang contact number ng biktima dahil nakasulat ito sa call card na nakalagay din sa bag. Pinakiusapan naman ng biktima ang suspek na isauli ang kanyang bag pero hindi ito tumugon kaya inireport niya sa pulisya ang insidente. Muli namang nakunan sa CCTV ang suspek sa iba namang tindahan kung saan nakita siyang bumili ng ilang produkto at nag-abot ng P1,000 bilang pambayad. Nang ibigay ng tindero ang sukli, mabilis at pasimpleng itinago nito sa kanyang bra ang P500. Inireklamo niya sa tindero na kulang ang kanyang sukli kaya muli siyang inabutan ng P500. Nalaman ang naturang modus ng babae nang madiskubre ng may-ari ng tindahan na kulang ang kanilang kita at sinuri ang kuha sa CCTV. Kumbinsido naman ang pulisya na iisang babae lang ang umatake sa dalawang tindahan, at solo lang ito sa kanyang diskarte. Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek. - FRJ, GMA News