'Amalayer' girl, ikinuwento kung papaano nalampasan ang cyberbullying
Aminado si Paula Salvosa na hindi naging madali para kanya ang pinagdaanang depresyon nang kumalat ang kanyang "Amalayer" video sa Youtube kung saan makikita na sinisigawan niya ang isang guwardiya sa isang estasyon ng Light Rail Transit (LRT). Sa naging panayam ni Howie Severino kay Paula sa GMA News TV's News To Go kamakailan, inilahad niya ang mga paghihirap na kanyang pinagdaanan matapos lumabas ang naturang video. "Sobra (hirap). Kasi 'yong mga first to two weeks ang hirap lang na hindi po nakakakain, hindi po nakakatulog tapos iyak lang ako ng iyak, ganyan ganyan," kuwento niya. Isang simbahan umano sa Caloocan City ang isa sa mga nakatulong sa kanya para malampasan ang pinagdaanang niyang pagsubok. Naging daan din daw iyon para lalo pa siyang mapalapit sa Diyos. "Hanggang may lumapit po sa akin na church from Caloocan which is 'yong Grace Testament Church, tapos doon po nagstart (yung recovery). Parang Christian po sila, tapos tinulungan nila ako na maka-recover nga po. Tapos, I attended one service worship with them and then, tapos itinuloy ko na po 'yong worship service ko sa Victory," patuloy niya. Pag-amin ni Paula, may ilang tao pa rin na hindi tumitigil sa pag-atake sa kanya sa Internet pero may paraan na siya kung papaano lalabanan ang sakit na nararamdaman niya. "Kunwari kapag may nagtu-tweet sa akin na hindi maganda. Parang nasasaktan pa rin ako. So ang ginagawa ko na lang binabasa ko na lang 'yong magagandang comments," paliwanag niya. "Kasi recently naman magaganda na 'yong mga comment." Nakatulong din umano kay Paula ang pag-unawa sa mismong sarili at suporta ng mga taong nagmamahal sa kanya. "Kasi kung parang tataguan ko siya, parang itatago ko 'yong sarili kong magdu-dwell ako doon sa depression doon sa hindi magandang nangyari sa akin," aniya. "Doon sa mga sinasabi naman ng mga tao hindi naman totoo, mas kilala ko naman sarili ko. Ako naman 'yong sarili ko." New Friends and "Opo Pinoy Style" Ang isang magandang naidulot daw ng "Amalayer" video ay nakatagpo siya ng mga bagong kaibigan tulad ni Mikey Bustos. Nagkasama sina Mikey at Paula sa music video ng "Opo Pinoy Style," isang patok na parody video sa Youtube ng sikat na "Gangnam Sytle" ng Korean superstar na si Psy. Ang "Opo Pinoy Style" ay tungkol sa kagawian at kultura ng mga Pinoy. Umabot na sa mahigit 1.5 milyon ang views sa naturang video sa Youtube. Ayon kay Mikey, "Well, kasi I wanted the surprise factor, eh. I wanted a little bit extra sa video na 'to. So I said, hmm, you know what, I will call Paula kasi in the lyrics, di ba, I say 'Amalayer' so I said what if I can contact her, she can be in the video. Tapos now it's history na." Dagdag ni Mikey, isang magandang paraan din daw ang naturang music video upang makita ng mga tao ang masayang katauhan ni Paula. "I thought it was a good way for her to redeem herself too. That's why I wanted to contact her. It was ano, parang an opportunity to see her in a different light, smiling medyong sayaw like that," paliwanag niya. Hindi rin naman maiwasan na may ilan na hindi maganda ang pagtanggap sa kanyang mga parody video. Tugon dito ni Mikey, "Actually to me, I don't see it as making fun pero it's kind of celebrating 'yong mga quirks ng Pinoy. You know, the stuff that makes us original and sometimes I mean, it's funny naman. You know, we are an original people, we're very unique, we have our own ways naman." "So the response is very good. All positive medyo there's just a few people who might be offended pero if they watch my videos, they know it's about Pinoy pride talaga," dagdag pa ni Mikey. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News