Murder dapat ikaso kay Leviste - DOJ panel
Inirekomenda ng panel ng Department of Justice ang pagsasampa ng kasong murder sa halip na homicide laban kay dating Batangas Governor Jose Antonio Leviste. Napunta naman sa Eight Division ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ni Leviste na pigilin ang DOJ sa pagiimbestiga pang muli sa kaso ng pagkamatay ni Rafael Delas Alas. Ayon sa ulat ng DZBB, lumabas sa pagsusuri ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco na ang mga ebidensyang nakuha sa opisina ni Leviste sa ika-siyam na palapag ng LPL building sa Makati ay minanipula. Kabilang umano rito ang baril na natagpuan sa kanang kamay ni Delas Alas, matagal nang kasama sa negosyo ng dating gobernador, na halatang inilagay lamang para magmukhang tinangka nitong atakihin si Leviste at mapalakas ang self-defense claim ng huli. Mukha rin umanong pinag-isipan ang pagpatay dahil nagkaroon ng pagtatalo sina Leviste at Delas Alas noong Enero 11 o isa araw bago nangyari ang insidente noong Enero 12. Sinabi pa ni Velasco na meron din umanong pagtatraydor sa pangyayari dahil maraming beses na binaril ang biktima sa halip na isa lamang kung tutuong pagdepensa lamang ang ginawa ng suspek. Ayon kay Velasco, may 10 araw si Makati Regional Trial Court- Branch 150 Judge Elmo Alameda upang magdesisyon kung magpapalabas ng warrant of arrest laban kay Leviste at kakanselahin ang P40,000 piyansa nito para sa pansamantalang paglaya. Hawak naman ngayon ni CA presiding Justice Abdul Wahid Hakim ang kahilingan ni Leviste, na nakasaad sa 28-pahinang petisyon, na magpalabas ng temporary restraining order laban sa isinasagawang imbestigasyon ng DOJ. Ayon sa kampo ni Leviste, ilegal ang imbestigasyon ng DOJ dahil nabuo ang grupo ni Velasco bago pa man aprubahan ni Alameda ang petisyon ng mga Delas Alas. - GMANews.TV