Pag-atras sa May elections itinanggi ni Jack Enrile
Pinabulaanan ni Cagayan Rep. Jack Enrile ang kumakalat na balitang iniatras na niya ang kanyang kandidatura bilang senador sa darating na eleksyon sa Mayo. “I wish to inform everybody that I have not withdrawn nor contemplated on the idea of withdrawing from the May 2013 senatorial race,” ani Enrile sa isang pahayag. Galing ang balita ng kanyang umano'y pag-atras sa eleksyon sa "satirical and fictional" news website na "So, What's News?". Ani Enrile, na tumatakbo sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) coalition, kinakailangan niyang maglabas ng pahayag matapos niyang malamang may ilang “misguided minds” na sadyang nagpapakalat ng maling balita sa Internet tungkol sa kanyang kandidatura. "This is simply not true. I have no reason to withdraw when the race has not even started,” aniya. Ayon sa media officer ni Enrile na si Richard Vargas, nakatanggap sila ng ilang tawag — kabilang na ang isa mula sa pamunuan ng UNA— na nagtatanong kung mayroong katotohanan sa balitang kumakalat sa Internet. “May nagsabi lang sa amin na may kumakalat ngang balita sa Twitter at sa blogs about it. When I checked, it apparently came from a satire blog. ‘Yung nakabasa nung naka-post na sa Twitter, inakala na it was a true report,” ani Vargas sa isang panayam. Anak si Enrile ni Senate President Juan Ponce Enrile. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News