ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Saan naging kampeon ang sikat na game show host na si Pepe Pimentel?


Bago sumikat bilang mahusay na game show host at komedyante, nakilala muna si Jose "Pepe" Pimentel sa kanyang galing sa pagkanta nang tanghalin siyang kampeon sa isang kilalang singing contest noon sa Pilipinas. Taong 1955 nang maging kauna-unahang grand champion ng singing contest na "Tawag ng Tanghalan" si Pepe sa edad na 27. Dalawang taon matapos maging tanyag na singer, naging host siya ng dating noontime show na "Student Canteen," at nagsimula na ring gumanap sa ilang pelikula. Taong 1962 nang magsimula siyang maging game show host sa pamamagitan ng "Kwarta o Kahon," na itinuturing pinakamatagal na programa sa telebisyon na umabot ng 38 taon. Tumatak at ginagiliwan din ng mga manonood ang madalas na mga birong patutsada ni Pepe sa kanyang biyenan sa mga programa. Pinasok din niya ang pulitika at mahigit na 10 taong nagsilbing kapitan sa Barangay Laging Handa sa Quezon City. Nitong Huwebes, Enero 24, natagpuan na walang buhay si Pepe sa kanyang bahay sa Quezon City. Pinaniniwalaang inatake siya sa puso sa edad na 82. Si Pepe ay tiyuhin ng batikang aktor na si Lito Pimentel. - FRJ, GMA News