Pagpatay sa umano'y lider ng RPA-ABB sa Iloilo, inako ng NPA
Sa pamamagitan ng isang pahayag, inako ng nagpakilalang kaanib ng komunistang New People's Army (NPA) ang pag-ambush at pagpatay sa dati nilang kasamahan na tumiwalag at sumama sa itinayong Revolutionary Proletarian Army-Alex Buncayao Brigade o RPA-ABB sa Iloilo. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Sabado, ipinakita ni P/Sr. Insp. Janelo Gepana, ng Tigbauan, Iloilo police, ang natanggap na sulat mula sa CCP-NPA kung saan nakasaad ang pag-amin na sila ang pumatay kay Joven Tababa. Inakusahan ng rebeldeng grupo na hindi tunay na mga rebolusyunaryo ang RPA-ABB at sa halip ay sangkot ang mga ito sa ilang iligal na gawain sa nabanggit na bayan at mga karatig lugar. Si Ababa ay binaril ng mga hindi nakilalang suspek noong nakaraang linggo habang kasama ang anak, na bahagya lang nasugatan sa paa. Sa kabila ng pag-amin ng komunistang grupo, iginiit ng pulisya na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa pagtugis sa mga pumaslang sa biktima. Napag-alaman na matagal na umanong nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima. - FRJ, GMA News