Secret marshals, gamitin vs kriminalidad, mungkahi ng mambabatas
Nababahala na ang isang beteranong mambabatas sa umano'y lumalalang sitwasyon ng kriminalidad sa bansa kaya nanawagan ito sa mga awtoridad na gumawa ng matinding hakbang. Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ni Isabela Rep. Rodolfo Albano na dapat pag-aralan ng mga awtoridad gaya ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na magpakalat ng “secret marshals" na tutugis sa mga kriminal lalo na sa Metro Manila. “The government should show its determination in neutralizing lawless elements. We should not allow these hooligans to continue sowing terror," anang 78-anyos na kongresista. Iginiit ni Albano na kailangang gumawa ng matinding hakbang ang mga awtoridad para maprotektahan ang mga sibilyan laban sa mga kriminal na lalong lumalakas ang loob na gawin ang krimen kahit saan lugar at anumang oras. Noong nakaraang linggo, nilooban ng mga hindi nakilalang suspek ang isang tindahan ng mga alahas sa loob mismo ng mall. Isang negosyante rin ang binaril at napatay sa San Juan sa labas ng isang bangko matapos itong mag-withdraw ng pera. Sa Quezon City, tinambangan at napatay din ang isang babaeng alkalde ng Isabela bagaman ilang suspek na ang nadakip. Ayon kay Albano, epektibong paraan laban sa mga kriminal ang pagpapakalat ng secret marshals kaysa mga naka-unipormeng pulis na kaagad natutukoy ng mga suspek. Dagdag pa niya, higit na magiging epektibo ang trabaho ng mga secret marshal kung tutulong ang mga opisyal sa barangay sa paglaban sa kriminalidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa sitwasyon at mga tao sa kani-kanilang nasasakupan. “We should drop the ningas kugon attitude if we really wanted to address the rising problem of criminality. There should be no let up until the culprits are arrested, prosecuted and jailed," pahayag ni Albano. Suspek sa San Juan Samantala, nagpalabas ng composite sketch ang mga pulis sa suspek na bumaril at pumatay sa negosyante sa San Juan City noong nakaraang Lunes. Sa ulat ng dzBB radio, sinabing tinitingnan ng mga imbestigador ang anggulong negosyo na dahilan sa pagpatay sa negosyanteng si Kelvin Tan. Inilarawan sa ulat ang hitsura ng bumaril na may taas na 5'6" hanggang 5'7", medium-built, brown-complexion, at manipis ang buhok. Pinag-aaralan na rin ang pagkakaloob ng pabuya sa taong makatutulong para mahuli ang salarin. Inalis na ng mga awtoridad ang anggulong pagnanakaw bilang motibo sa pagpatay dahil hindi tinangay ng mga suspek ang pera ng biktima na nagkakahalaga ng P800,000 na galing sa pag-witdraw sa bangko. — FRJ, GMA News