ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtatayo ng pang-araw na checkpoints sa NCR, ipinag-utos ng PNP


Matapos ang serye ng mga krimen sa Metro Manila noong mga nakarang linggo, inutos ni Philippine National Police chief Director General Alan Purisima ang pagtatayo ng daytime checkpoints upang maiwasan ang mga krimen at mahuli ang mga kriminal. Sa panayam nitong Linggo, inihayag ni Purisima na inatasan na rin niya ang kanyang mga tauhang nakatalaga sa mga checkpoint na huwag lamang mag-focus sa mga motorsiklo, ngunit banatayan din dapat ang iba't ibang uri ng mga sasakyan. "Yes, 'yan (ang utos ko) sa ating chiefs of police at station commanders," pahayag niya sa panayam ng dzBB radio, nang tanungin kung magkakaroon ba ng pang-araw na mga checkpoint. Nang tanungin naman siya kung agad bang maipatutupad ang utos na ito, aniya, "yes... at  "(sabi ko) mag-concentrate sa iba't ibang sasakyan ang mga pulis." Noong nakaraang linggo, inihayag ng pulis na kinokonsidera nila ang pagtatayo rin ng mga pang-araw na checkpoints dahil sa "high-profile crimes" sa Metro Manila. Gayunpaman, inihayag ni Purisima na may ilang isyu na kailangan nilang ikonsidera sa pagtatayo ng checkpoint sa araw, sapagkat maaari umano itong maging abala sa trapiko. Noong Enero 26, nilooban at pinagnakawan ng mga armadong kalalakihan ang dalawang jewelry store sa SM Megamall sa Mandaluyong City. Nagpaputok ng baril ang isa sa kanila upang takutin ang mga mamimili bago tuluyang tumakas. Noong Enero 28 naman, patay nang barilin ng isang armadong lalaki ang isang negosyante sa San Juan City. Kabilang sa mga krimen noong nakaraang linggo ang pagnanakaw sa isang money transfer outlet sa Parañaque City, at ang panloloob sa isang pawnshop sa Valenzuela City. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News