Isa na namang fetus, nakita sa tambakan ng basura sa Iloilo City
Isa na namang fetus na tinatayang pitong buwan na sa sinapupunan ng kanyang ina ang nakita sa isang dumpsite sa Iloilo City. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Lunes, sinabing hindi pa matiyak ng mga awtoridad kung sadyang dinala at iniwan ang fetus sa dumpsite, o nakasama sa mga hinahakot na basura mula sa iba't ibang barangay sa lungsod. Matapos pabendisyunan sa simbahan, inilibing ang fetus sa isang public cemetery. Ito na umano ang ikaapat na fetus na nakita sa dumpsite mula noong nakaraang Nobyembre. Noong nakaraang Nobyembre, nagpahayag ng pagka-alarma ang pulisya at Simbahang Katoliko sa sunod-sunod na insidente ng pagtatapon ng patay na sanggol sa Iloilo City. (Basahin: Pulisya, Simbahan, naalarma sa sunod-sunod na pagtatapon ng fetus sa Iloilo City). -- FRJ, GMA News