ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapatid ng LP spokesman, kinasuhan sa Sandiganbayan; Lozada, ipinaaaresto


Kinasuhan sa Sandiganbayan ng two counts of corruption ng Office of the Ombudsman ang kapatid ng tagapagsalita ng Liberal Party (LP). Samantala, iniutos naman ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa whistleblower na si Engineer Rodolfo “Jun" Lozada Jr. dahil sa kinakaharap din nitong kasong katiwalian. Matapos ang isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman, isinampa na sa Sandiganbayan ang two counts of corruption charges laban kay Felipe Evardone, dating officer in charge ng National Printing Office. Si Evardone ay nakatatandang kapatid ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, isa sa mga tagapagsalita ng LP. Bukod kay Felipe, kinasuhan din ng Ombudsman ang iba pang dating kasapi ng bids and awards committee ng NPO na sina Marietta de Guzman, Evelyn Perlado, Vicente Monteros, Miguel Arcadio at Recto Tomas, Jr. Ang kaso ay kaugnay sa reklamong hindi pagtuloy ng NPO sa sinalihang subasta ng kumpanyang Best Forms noong 2006 para mag-iimprenta ng receipts at forms na gagamitin ng Land Transportation Office. Dahil sa ginawa ng NPO, sinabing nalugi ang pribadong kumpanya ng P3.45 milyon. Batay sa impormasyon, kinansela umano ng NPO ang naunang subasta dahil sa kakulangan ng mga isinumiteng rekisitos ng kontratista. Reklamo ng Best Forms, hindi kinumpleto ng NPO ang proseso ng ikalawang bahagi ng kanilang sinalihang subasta. At sa halip, muling nagtakda ng bidding ang ahensiya at napunta na ang kontrata sa Ready Forms Inc. Naniniwala ang Best Forms na nagkaroon ng pagmamaniobra sa naturang subasta na napanalunan ng Ready Forms Inc. Nagtakda ang Sandiganbayan ng tig-P60,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ang mga akusado. Arrest Jun Lozada Samantala, nagpalabas naman ng arrest warrant ang Fourth Division ng Sandiganbayan laban kay Engineer Rodolfo “Jun" Lozada Jr., ang whistleblower sa kinanselang broadband network deal sa kumpanyang ZTE ng China noong 2008. Ang arrest warrant ay para sa kinakaharap ni Lozada na two counts of graft sa Sandiganbayan kaugnay sa pagbibigay umano nito ng pabor sa kanyang kapatid at isang pribadong kumpanya para sa pag-upa sa dating pinamumunuan na Philippine Forest Corp. noong 2007. Ang reklamo laban kay Lozada ay isinampa ni Erwin Santos, dating program manager ng nasabing korporasyon. Hindi kaagad nakuha ang reaksiyon ni Lozada tungkol sa arrest warrant dahil nakikipag-ugnayan umano ito sa kanyang mga abogado. Nauna rito, naghain ng not guilty plea si Lozada sa kaso. Ang kontrobersiyal na NBN-ZTE deal ay naganap sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nahaharap din sa kasong katiwalian si Arroyo sa Sandiganbayan dahil naman sa naturang kinanselang kasunduan sa ZTE.—FRJ, GMA News

Tags: ombudsman