ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagkamatay ng testigo sa Gerry Ortega case, nais paimbestigahan


Nanawagan nitong Huwebes ang pamilya ng pinaslang na Palawan-based broadcaster at environmentalist na si Dr. Gerardo "Gerry" Ortega na imbestigahan at isailalim sa autopsy ang mga labi ni Dennis Aranas na natagpuang patay sa loob ng selda sa piitan sa Quezon. "Kinailangang imbestigahan kasi paanong nahayaan 'yon (pangyayari)," ayon sa anak ni Ortega na si Michaella nang makapanayam ng media matapos dumalo sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Huwebes. Nagsasagawa ng pagdinig ang nabanggit na komite na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona III, kaugnay naman sa umano'y anomalya sa paggamit ng pondo ng Malampaya sa Palawan. Nais alamin sa naturang imbestigasyon kung mayroong koneksiyon ang usapin ng pondo ng Malampaya sa pagpatay kay Ortega. Si Ortega na isang environmentalist ay binaril sa Puerto Princesa City noong 2011. Sinasabing nagsilbing lookout sa pagpatay kay Ortega si Aranas, at ikinukonsiderang testigo sa kaso. Dating isinailalim sa Witness Protection Program ng Department of Justice si Aranas. Ngunit nitong Martes, nakitang walang buhay si Aranas na may nakapulupot na tali ng bag sa kanyang leeg. Hinihinalang nagpakamatay ang biktima sa loob ng kanyang selda sa Lucena Provincial Jail sa Quezon. Pero ayon kay Michaella, maging ang pamilya ni Aranas ay hindi naniniwalang nagpakamatay ito. "Wala naman ito sa kanyang pag-uugali, wala man lang warning signs," aniya. "Kaya kami ay nagdududa at talagang ipinananawagan namin ang isang otopsiya at inaantabayan na po namin kung ano ang magiging kongklusyon nitong NBI (National Bureau of Investigation) autopsy." Maging ang pamunuan ng Lucena police ay nagtaka kung bakit hindi kaagad ipinaalam sa kanila ang insidente. "Samantalang dapat kapag may ganung insidente iimbestigahan pa ito na parang krimen at pagpunta po nila doon sa selda wala na yung bangkay at nilinis pa yung selda," kwento ni Michaella. "So marami pong mga bagay na talagang kaduda-duda." Apela sa NBI Umapela naman sa NBI ang biyuda ni Ortega na si Gloria, na alamin ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Aranas. "Lahat siguro ng nasasangkot dito dapat imbestigahan. Ang dapat [mag-imbestiga] itong mga kinauukulan, ang gobyerno, ang NBI," pahayag ng biyuda. Kinuwestiyon naman ni Guingona kung bakit nakakulong si Aranas kung itinuturing itong testigo sa kaso. Pero paliwanag ng DOJ, mayroong outstanding warrant of arrest si Aranas at ang kanyang testimonya ay ikinunsidera ng lupon na "deemed dispensable." Ayon kay Gloria, hindi na nila malalaman kung makatutulong ang testimonya ni Aranas sa kaso ngayong patay na rin ito. "Patay na siya. Hindi na natin makukuha yung magko-corroborate sa testimony ng ibang mga suspek," aniya. Nangangamba rin si Gloria sa kaligtasan ni Junjun Bumar, ang pangunahing testigo na nag-ugnay kay Palawan governor Joel Reyes bilang mastermind sa pagpatay kay Ortega. "Talagang nakakatakot dahil baka abutan na nila yung si Bumar dahil napaka-key witness ni Bumar," ani Gloria. Pinaniniwalaang nakalabas na ng bansa si Reyes at kapatid niyang si Coron Mayor Mario Reyes, na idinadawit din sa kaso. Muli namang umapela si Michaella na bilisan ang paglilitis sa kaso ng kanyang ama na inabot na ng dalawang taon. "Dalawang taon na, dalawa na ang patay sa suspek at mga probable witnesses natin. Hanggang kailan po nila patatagalin [ang kaso]? Hanggang sa manghina na nang manghina at makalimutan ng taongbayan na may nangyaring ganitong klaseng krimen?" tanong niya. "Gusto po talaga kasi natin at the end of the day, matunton [kung] sino ba ang may kagagawan nito. Kilala naman natin sila at alam naman natin kung sino nagpapatay dito sa aking ama na si Gerry Ortega. Kinakailangan lang natin hulihin, litisin at sampahan ng kaso," pakiusap niya. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News

Tags: gerryortega