Hamon ni Binay di ‘kinasahan’ ni Lapid
Inatrasan ni Senador Lito Lapid ang hamon sa kanya ni Makati Mayor Jejomar Binay na debate kaugnay sa napipintong paghaharap nila sa mayoralty race ng lungsod sa darating na halalan sa Mayo. Sa panayam ng media sa kanyang mansiyon sa Porac, Pampanga, aminado si Lapid na hindi niya kayang tapatan ang edukasyon ni Binay na kayang magsalita ng âmahusay" na English. Idinagdag pa niya na naging limitado ang kanyang trabaho sa Senado dahil hindi siya marunong makipagdebate na kadalasang nangyayari sa plenaryo. "Hindi na po siguro," tugon ni Lapid nang tanungin tungkol sa hamon ni Binay na debate. "Mas mahusay siya sa akin (sa debate), at nakakapagsalita siya ng mahusay na English." Ngunit humirit si Lapid na maaaring kagatin niya ang debate kung gagawin ito sa lokal na lenguwahe ng kanyang lalawigan na Kapampangan. Kompiyansa rin ang senador na walang magiging problema sa kanyang residency status sa Makati dahil nakompleto niya ang paninirahan dito ng mahigit isang taon na itinatakda sa batas. Hinamon nitong Linggo ni Binay, lider ng United Opposition (UNO), si Lapid na magdebate upang malaman ng publiko kung sino sa kanila ang popular ngunit walang laman ang pangako. Inakusahan ni Binay na dikta ng Malacanang ang pagtakbo ni Lapid sa Makati. Dating gobernador ng Pampanga si Lapid bago ito kumandidato sa Senado noong 2004 election. Ngunit mahigpit na itinanggi ni Lapid na mayroon kinalaman sa kanyang plano sa Makati ang kanyang kababayan na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ang Makati na itinuturing business district ng Pilipinas ang naging sentro ng demonstrasyon ng mga puwersang kontra kay Pangulong Arroyo.-Fidel Jimenez,GMANews.TV