ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dapat Tama advocacy, inilunsad ng GMA News para sa 2013 elections


Inilunsad nitong Lunes ng gabi sa “24 Oras” ang Dapat Tama campaign bilang bahagi ng adbokasiya ng GMA News and Public Affairs para sa darating na Eleksyon 2013. Kinanta ng kilalang rapper na si Gloc-9 kasama ang anthem para sa nasabing adbokasiya, ang “Dapat Tama,” kasama si Denise Barbacena, na isang dating Protège contestant. Sa panayam ng GMA News Online kay Gloc-9, ikinuwento niya ang istorya sa likod ng awitin. “Tungkol siya sa darating na elections na encouraging ang mga kababayan natin na pagdating sa pagpili ng kandidato, siguraduhin natin na isasaalang-alang natin ang mga importanteng bagay,” anang batikang rapper. "Siyempre pipili tayo ng kandidato na alam natin na kayang gawin ang trabaho at hindi uunahin ang pangsariling interes at mas bibigyan ng pagpapahalaga 'yung paglilingkod sa mga kababayan natin. Siguro 'yan talaga yong essence nung song, pumili tayo king sino talaga 'yung tama sa posisyon," dagdag nito. Isa sa mensaheng pinaparating ng awitin ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga kandidato ngayong paparating na eleksyon. "Napaka-linaw at napaka-simple lang ng message nung song— huwag na tayong magsisihan [at] huwag na tayong magturuan. Pagdating sa oras ng pagpili, siguraduhin natin 'yung pipiliin natin ay makakatulong, willing tumulong," saad ni Gloc 9. Para naman sa kanya, "Feeling ko nga ang dapat piliin is somebody na more than anything else ay more than, more than talino [at] more than credentials is someone na merong compassion sa kapwa tao. Dahil kung yong ang basis mo, hindi ka na magkakamali doon.” Impluwensiya ng musika Kilala si Gloc 9 sa kanyang magandang estilo sa pagra-rap at sa lyrics na tila nakatuon sa usapin ng pulitika. Hindi naman ito naging direktang desisyon ng mang-aawit; bagkus ito ang isa sa mga paraan niya ng pagpapadala ng mensahe sa mga taong nakikinig sa kanyang musika. "Nung unang ginagawa ko 'yan honestly, parang hindi ko naman talaga siya intentionally, it's just something na ginagawa ko para maipadinig sa tao kung ano sa tingin ko yong mali o ano sa tingin ko yong tama," pahayag nito. Naniniwala rin ang mang-aawit sa kapangyarihan at lakas ng impluwensiya ng musika sa pagpapadala ng mensahe sa mamamayan, ngunit hindi naman niya ginagamit ang kanyang mga awitin upang diktahan ang isip ng tao. Wika ni Gloc 9, "At least may option 'yung tao na makinig sa kanta o 'yung song na ginawa namin [mapapa-isip] na, 'Ito ba ang gagawin ko? Or itong tama ba 'yung gagawin ko?' So, hindi naman natin kayang diktahan lahat ng tao. Pero at least, naihatid natin kung ano 'yung mas malinaw na nangyayari." Kinuha ng GMA News and Public Affairs si Gloc-9 dahil akma ang kanyang karakter bilang mang-aawit sa adbokasiyang "Dapat Tama." Ayon pa kay Gloc-9, ang awitin ay tungkol sa pagkakaisa ng mga botanteng Filipino sa paghahanap ng tamang pulitikong dapat iboto. "'Yung gusto natin ma-achieve in terms of improvements and mga mabuting pagbabago sa bayan natin ay hindi kayang gawin ng isang tao lang o iilang tao lang," aniya. "Ito ay mahabang proseso na kinakailangang kasama lahat. So 'yun talaga 'yung kina-campaign namin. Gusto naming ihatid sa lahat." Mensahe ng kanta Hindi itinuturing na "adbokasiya" ni Gloc-9 ang gumawa ng awitin ukol sa pulitika. Aniya, nagkataon lang ito. "Sa totoo lang, ayaw ko siyang i-label na as advocacy. Feeling ko kung meron akong gagawin na isang bagay na mabuti para sa ibang tao, ginagawa ko 'yung out of my own decision. Parang 'yun ding gusto naming ipahatid doon sa kantang 'Dapat Tama.' Kailangan mong gawin ang isang bagay na mabuti hindi dahil para sa ibang tao, kung hindi dahil gusto mo sa sarili mo," aniya. Samantala, sa pamamagitan ng kanyang mga awitin, nahahatid niya ang mga mensaheng dapat malaman ng tao, lalo na sa kabataan. Wika pa ng sikat na rapper, "Siguro 'yun lang talaga, naisip ko lang na with my type of music, and with the age bracket na nakikinig ng music ko, mas maganda siguro na maihatid ko sa kanila kung ano sa tingin ko 'yung dapat na nalalaman nila or dapat na nakikita nila." Dagdag na niya, "Which I think na nakikita naman nila. Gusto ko lang magkaroon ng pagkakataon na may moment na maisip nila na 'oo nga no, parang tama nakikita ko nga 'yun' so, at least malinaw yong options." — KBK, GMA News