Sanhi sa pagkamatay ni Lolong, hindi natukoy ng necropsy
Nakatakda nang sumailalim sa panibagong eksamen si Lolong, ang pinakamalaki sa mga nakakulong na buwaya sa buong mundo, matapos bigong matukoy ng necropsy ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Sa panayam ng GMA News Online, sinabi ni Dr. Steven Toledo ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) na "inconclusive" umano ang findings mula sa necropsy at kinakailangan ng histopathologic examination—o ang microscopic examination ng tissue upang matukoy ang sakit—upang malaman kung mayroong abnormalities sa tissue ni Lolong. Ayon kay Toledo, isinagawa ng mga ilang mga beterinaryo at mga eksperto ng buwaya mula sa Protected Areas and Wildlife Bureau ng Department of Environment and Natural Resources at ng PWRCC ang necropsy mula 1 ng madaling araw hanggang 7:45 a.m. ng Martes. Ayon sa kanya, dadalhin ang tissue samples mula kay Lolong sa UP Los Baños laboratory upang maeksamen. "Tatagal siguro ng two weeks. Tomorrow siguro or the next day mag-e-extract ng tissue na dadalhin sa UP Los Baños," ani Toledo nang tanungin kung gaano katagal ang proseso. Sa naunang panayam kay veterinarian Dr. Alex Collantes ng Davao Crocodile Park sa Davao City, na nagtungo sa bayan ng Bunawan sa Agusan del Sur upang tignan ang buwaya sa hiling ng kanyang mga caretaker, inihayag niyang lumaki umano ang tiyan ng buwaya at tumihaya ito bago ito tuluyang pumanaw noong 8:12 ng gabi ng Linggo. Aminado si Collantes na napansin na niyang may kakaiba sa pagkain at temperatura ni Lolong sa huli niyang pagbisita noong Enero 31. "In terms of physical, wala kang mapapansin," aniya. "Though isa sa mga napapansing sigurado ay hindi na siya gaano kumakain then ang temperatura niya mababa talaga." Ayon sa kanya, naapektuhan si Lolong mula sa pagbabago ng klima sa kanilang lugar matapos tumama ang Bagyong Pablo sa kanilang rehiyon noong Disyembre. "Totoo pong nagkaroon o mayroong malaking pagbabago sa temperatura dito sa pinaglagyan ng buwaya," ani Collantes. "Since malayo-layo sa comfort zone ng buwaya, isa pa iyon sa tinitignan though hindi pa natin iyon ma-finalize." Dagdag niya, ang mga buwayang kasinglaki ni Lolong ay maaaring mabuhay ng ilang buwan na hindi kumakain. "Ang buwaya, hindi naman siya kumakain, nakaka-survive siya kahit ilang buwang walang kain," aniya. — Amanda Fernandez/BM, GMA News