Miriam, humirit ng V-Day pick-up lines sa isang talumpati
Pinasaya ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang Valentines ng ilang mag-aaral ng University of the Philippines-Manila nang ibahagi niya ang ilang piling pick-up lines na may kaugnayan sa Araw ng mga Puso. Ayon sa ulat ni Pia Arcangel sa Balitanghali nitong Miyerkules, labis na ikinatuwa ng mga mag-aaral ang bawat pick-up line na ibinahagi ni Santiago, na ang ilan ay patama sa mga bolero habang ang ilan naman ay payo sa mga single. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: "Ang taong nagmamahal ng tunay ay parang matalinong estudyante na kumukuha ng exam—hindi siya tumitingin sa iba kahit nahihirapan na." "An earthworm has five hearts and an octopus has two hearts. Ngayon, kapag may kilala kang nagmamahal ng dalawa o higit pang tao, tanungin mo kung anong klaseng hayop siya." "Kapag ikaw ay magmahal pero sasaktan mo rin naman, dapat maghamon ka na lang ng suntukan." "Malapit na ang Valentine's Day. Buti pa ang kalendaryo, may date. Kayo ba mayroon?" "Para sa mga malungkot na single, ang tawag dito (Valentine's Day) ay Singles' Awareness Day. Para sa mga masasayang single, ang tawag dito ay Singles' Independence Day. Pero sa mga walang pakialam, ang tawag dito ay Thursday." Payo naman ni Santiago sa mga walang ka-date ngayong Valentine's Day: "Para sa mga single, umuwi ng maaga mula sa school o trabaho para isipin nilang may date ka." Naging kagawian na ni Santiago na magbigay ng ilang pick-up lines bilang pambungad sa kanyang mga talumpati kapag humaharap sa mga mag-aaral. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News