ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinoy na walang love life, dumami -- SWS


Hindi nag-iisa si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa mga Pilipino na walang love life. Batay sa pinakahuling survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS), lumitaw na dumami ang mga Pinoy na walang "buhay pag-ibig." Sa survey na ginawa ng SWS noong December 8-11, 2012, lumitaw na 13 porsiyento ng 1,200 na tinanong (respondents) ang nagsabing wala silang love life nang panahon na gawin ang survey. Itinuturing record high ang naturang datos na higit na mataas ito sa naitalang siyam na porsiyento noong 2011, at 11 percent noong 2010. Happy sa love life Sa naturang survey, lumitaw na 54 percent ng mga Pinoy ay nagsabing masaya sa kanilang love life. Mas mababa ito sa 59 percent na naitala noong 2011 at 55 percent noong 2010. Naniniwala rin ang 78 porsiyento ng mga tinanong na hindi pinaplano ang pag-ibig at sa halip ay kusa itong dumarating. Sa mga may buhay pag-ibig, lumilitaw na mas masaya ang mga lalaki kapag may love life (58 percent), kumpara sa mga babaeng may ginigiliw (49 percent). Kasabay nito, 36 percent ng mga babae ang naghahangad na mas maging masaya pa ang kanilang buhay pag-ibig, kumpara sa 30 percent ng mga lalaki. Wish kay PNoy Samantala, nagkakaisa naman ang senatorial candidates ng administrasyon sa paghahangad na magkaroon ng love life at makakasama sa buhay ang 53-anyos na binatang pangulo. “I wish that he finds someone who will love him as much as he loves us. He deserves it," ayon kay Aurora Rep. Juan Edgardo Angara. Gaya ng paniniwala sa survey na hindi pinaplano ang pag-ibig, naniniwala si Sen. Alan Peter Cayetano na darating din sa pangulo ang babaeng nararapat sa kanya. “Good things come to those who wait. I hope even if it’s not sooner but later, PNoy will get lucky like me and find his Lani, the ideal wife – someone who is not only beautiful inside and out, someone who loves this country as much as we cherish our own relationship," patungkol ni Cayetano sa kanyang misis na si Taguig Mayor Lani Cayetano. Si Bam Aquino na ikinasal kay Timi Gomez noong nakaraang taon, nais din na makita na agad ng kanyang pinsan na si Aquino ang babaeng makakasama nito sa kanyang buhay. “Sana makahanap din siya ng tunay, dalisay, at walang hanggang pag-ibig at ng isang babae na iibigin din siya ng wagas," hangad naman ni Sen. Francis Escudero sa pangulo. Si dating Sen. Ramon Magsaysay, hindi lang ang pagkakaroon ng love life ang hangad kay Aquino, kung hindi ang magkaroon din ng kambal na anak. “PNoy deserves to be happy and he must have a love partner soonest. At sana, makakambal kaagad," ayon sa dating mambabatas. - RP/FRJ, GMA News