Grade 1 pupil, patay sa suntukan sa loob ng paaralan
Naghihinagpis ngayon ang mga magulang ng isang lalaking grade 1 pupil sanhi ng pagkamatay nito sa kamay ng isang grade 3 pupil na nakaaway ng biktima sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Dumalag, Capiz. Sa ulat ni Julius Belacaol ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing nagkaayos na ang mga magulang ng dalawang estudyanteng sangkot sa insidente. Pero nais nilang managot ang pamunuan ng paaralan dahil umano sa kapabayaan. Kwento ng pinsan ng biktima na nag-aaral din sa paaralan, nakita nito ang biktima at batang suspek na magkasamang naglalaro sa likod ng paaralan. Ngunit hindi nagtagal ay nag-away ang dalawa na nauwi sa suntukan. Ilang estudyante rin umano ang nakitang nakisuntok sa biktima. Ayon pa sa saksi, isinumbong niya sa isang guro ang insidente pero hindi umano ito kaagad umaksiyon. Bagay na ikinasasama ng loob ng magulang ng biktima. Huli na nang makita ang biktima dahil pumanaw na ang bata bago pa man madala sa klinika ng paaralan. Pero itinanggi ng isang guro na naging mabagal ang kanilang pag-aksiyon. Hindi rin umano dumalo sa klase ang biktima kaya hindi alam ng guro na nasa paaralan ito nang mangyari ang insidente. Magsasagawa naman ng sariling imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) sa nangyaring trahedya. - FRJ, GMA News