ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sto. Niño sa Leyte, lumuha umano ng dugo


Dinadayo ngayon ng mga tao ang isang bahay sa barangay Ponong sa bayan ng Carigara sa Leyte matapos kumalat ang balita na lumuluha ng dugo ang isang imahe ng Sto Niño doon. Sa panayam ng GMA News, napag-alaman na ang walong-taong-gulang na si ni Onick Florenz Marpa ang unang nakita sa pagluha ng dugo ng imahe ng batang Jesus nitong Pebrero 3. Galing umano sa paglalaro at umuwi sa kanilang bahay ang bata nang makita nito ang dugo sa mukha ng Sto Niño. Ang insidente ay dalawang beses na naulit noong Peb.4 at 6. Sa kwento naman ng pinsan ni Onick na si Charmaine Marpa, noong una ay hindi sila kaagad naniwala sa kwento ng bata tungkol sa pagluha ng dugo ng imahe. Nang ipagbigay-alam nila sa kanilang ina na si Matilde ang insidente, sinabi nito na hintayin na lamang kung luluha muli ng dugo ang imahe saka na lamang nila paniniwalaan ang kwento ni Onick. Napag-alaman naman na nakalagay lamang sa bodega ang Sto Niño at nito lamang nagdaang Enero nagkaroon ng interes si Onick na kunin ang imahe para isama sa prosesyon sa kapistahan ng Sto Niño. Matapos linisin at ayusan ay inilagay na nila ito sa altar sa loob ng kanilang bahay. Mula noon ay lagi na umano itong dinadasal ni Onick tuwing umaga at sa hapon pag-uwi mula sa paaralan. Ayon kay Onick, masaya siya na marami ang pumupunta sa kanilang bahay upang dalawin ang imahe. Aminado naman si Aling Matilda na nawalan na sila ng privacy dahil sa dami ng tao na bumibisita sa kanilang bahay para makita at magdasal sa imahe. Gayunman, hindi umano niya ito minamasama. Sinabi naman ni Diosdada Labastida, kasama ng pari na nagsasagawa ng pagsusuri sa insidente, hindi pa masasabi kung milagro ang nangyari dahil patuloy pa itong iniimbestigahan ng simbahan. Hindi rin daw ito masama dahil nagiging daan ito para lalong lumakas ang pananampalataya ng mga tao sa Carigara. - Ronnie Roa/FRJ, GMA News