Gov. Espino, masama ang loob sa pagdawit sa kanya sa pagpatay sa mayor ng Infanta
Nagbigay na ng pahayag si Pangasinan Governor Amado Espino Jr sa pagdadawit sa kanya sa pagbaril at pagpatay kay Infanta mayor Ruperto Martinez noong nakaraang Disyembre. Iginiit ng gobernador na wala siyang kinalaman sa naturang krimen. Aminado si Espino na masama ang loob niya sa mga alegasyon dahil nadadamay na umano ang kanyang pamilya at maging ang imahe ng lalawigan. Nitong martes, sinampahan ng kasong murder sa Department of Justice sina Espino at Pangasinan Rep Jesus Celeste. Nauna nang itinanggi ni Celeste ang alegasyon sa kanya. Binaril at napatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek si Martinez noong Disyembre 15 sa bakuran ng kanyang bahay sa Infanta. Ayon sa National Bureau of Investigation, isang anak ng tauhan ni Espino ang nagdawit sa dalawang opisyal sa krimen. Saksi umano ang anak ng tauhan ni Espino nang planuhin ang pagpatay kay Martinez. Sinasabing may kaugnayan sa black sand mining sa Pangasinan ang dahilan ng paglikida sa alkalde. - FRJ, GMA News