ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagresolba sa binansagang fertilizer fund scam, pinamamadali sa Sandiganbayan


Nanawagan si dating Senador Ramon Magsaysay Jr. sa Sandiganbayan na bilisan ang pagresolba sa umano'y maanomalyang paggamit sa pondong inilaan sa pagbili ng mga abono para sa mga magsasaka na binansagang "fertilizer fund scam." Si Magsaysay ang dating pinuno ng Senate Committee on Agriculture, na nagsagawa ng imbestigasyon tungkol sa pondo na umaabot sa P728 milyon na sinasabing nagamit sa kampanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004. Sinabi ng dating senador na lubhang matagal na ang kaso at dapat na umanong maresolba ito para mabigyan ng hustisya ang mga magsasaka. Basahin: Joc-Joc Bolante asks SC to stop filing of plunder charges "With due courtesy to the court, I am appealing to the honorable justices of the Sandiganbayan to be honorable and expedite decision-making on the fertilizer scam. Their decision is needed by the farmers' quest to justice," pahayag ni Magsaysay nang makapanayam ng media sa kampanya ng Team PNoy sa Cavite. Pangunahing akusado sa kaso si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Joc-Joc" Bolante, na tinukoy sa imbestigasyon ng Senado bilang "architect" sa naturang paggamit ng pondo. Basahin: No arrest warrant yet for Bolante, others in fertilizer fund scam Nakasaad sa rekomendasyon ng komite na pinamunuan noon ni Magsaysay ang pagsasampa ng plunder case laban kina Bolante at dating Agriculture Secretary Luis Lorenzo Jr. Nadismaya si Magsaysay na naging mabagal ang pagkilos ng Office of the Ombudsman sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Ngunit noong Nobyembre 2011, umusad at naisampa sa Sandiganbayan ang reklamo matapos italaga ni Pangulong Benigno Aquino III si dating Associate Justice Conchita Carpio-Morales bilang bagong pinuno ng Ombudsman. - RP/FRJ, GMA News