ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mister na binugbog ni misis, kailangan bang protektahan ng isang bagong batas?


“Paano ako? Saan ako pupunta?” Ito ang pahayag ni Karlo na nagpakilalang isang battered husband o mister na binugbog ng kanyang asawa. Sa isang interbyu kay Claire Delfin na inere sa programang “State of the Nation” ng GMA News Tv nitong Huwebes, inilahad ni Karlo ang pinagdaanan niya sa kamay ng kanyang misis. “Halimbawa, na-late lang ako ng uwi. . .mumurahin ka, ipapahiya ka kahit nasa public. Sampal, kalmot, saksak ng ballpen at umabot sa kutsilyo na ang gamit niya, nakailag lang ako,” aniya. “Minsan pumasok ako sa office kita yung mga kalmot, kagat, at ‘yung mga pasa so during our three-year marriage, bayolente nga talaga [siya],” dagdag pa nito. Matapos hiwalayan ang kanyang asawa, inakala ni Karlo na tapos na ang kanyang bangungot subalit mas malaking pagsubok ang kanyang hinarap. Idinemenda si Karlo ng kanyang dating asawa dahil umano sa pang-aabuso. Nilabag umano ni Karlo ang Republic Act 9262 na kilala rin bilang Violence Against Women and Children Act. Nanalo sa korte ang kanyang asawa. Dalawang araw nakaloboso sa kulungan si Karlo. Kakaiba man sa pandinig ang kwento ni Karlo—mas madalas marinig ang kwento ng pambubugbog laban sa kababaihan—hindi naman siya nag-iisa. Dahil dito, nagpanukala si Atty. Voltaire Duano, isang family lawyer, na magkaroon ng isang bagong batas na magbibigay proteksyon sa mga lalaking binubugbog ng kanilang mga asawa. “I don’t see any reason that there is a substantial distinction between a wife or husband, male or female. They should be equally treated in terms of protection in law,” aniya. Ngunit, para naman kay propesor Yolanda Ealmada, pinuno ng University of the Philippines-Diliman Gender Office, hindi na nangangailangan ng isang bagong batas para sa mga kalalakihan sapagkat may iba aniyang batas na maaaring tumugon dito. “Sa tingin ko hindi na kailangan ng special na batas para sa mga lalaki kasi actually ang mga batas natin ang standard ay panlalaki. . .Pwede naman siyang magreklamo batay sa ating Revised Penal Code kasi mayroon naman doong kaso na slight physical injury, grave physical injury,” paliwanag niya. — Rouchelle R. Dinglasan/BM, GMA News