ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Field trip, 'di aalisin ng DepEd, pero hihigpitan ang patakaran


Dahil sa magkasunod na aksidente na may kinalaman sa field trip, inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na paiigtingin nila ang patakaran kaugnay sa sistema ng "Lakbay-Aral" sa mga eskwelahan. “Pinapaigting natin yung guidelines [sa field trips]. Yung dalawang field trips na [nasangkot sa mga trahedya], ang problema talaga ay yung transportation," pahayag ni Education Secretary Armin Luistro sa GMA News sa paglulunsad ng libreng “Boses ng Pagbabago." “Pero alam natin na may iba pang posibleng problema [sa field trips] na amin ding tinitingnan," dagdag pa niya. Noong nakaraang Pebrero, nasangkot sa aksidente ang bus na sinakyan ng mga mag-aaral sa field trip sa Tanay, Rizal kung saan dalawang high school students ang nasawi. Nitong nakaraang linggo, pito naman ang nasawi nang maaksidente ang bus na ginamit sa field trip habang tinatahak ang Tuba, Benguet. Bukod sa safety requirement, sinabi ni Luistro na pinag-aaralan na rin ang educational component ng mga field trip. “Ang problema, ano yung guidelines para siguraduhin na educational siya (field trips), hindi masyadong magastos, that it is voluntary, at lahat ng safety requirements mula pa sa school hanggang pagbabalik ay hindi makakalimutan," paliwanag ng kalihim. “Dapat ipinapakita nga yung educational component. Ako, ang advocacy ko yung ating mga museum at historical sites [ang dapat puntahan]. Ito’y mahalaga na bahagi na hindi makikita sa loob ng classroom," patuloy ni Luistro. Sa kabila nito, tinutulan ng opisyal ang ilang mungkahi na tuluyang alisin ang Lakbay-Aral program. “Ang pagtatanggal totally ng field trips ay over-done… ‘Yung ating mga panukala rito sa mga field trips, ang field trips ay pwedeng educational," aniya. 'Di dapat sapilitan Kung hindi kayang ipagbawal, iginiit ni Camiguin Rep. Pedro Romualdo na hindi dapat gawing sapilitan ang pagpapasama ng mga mag-aaral sa mga field trip. Hindi rin umano dapat pinapayagan ang magastos at malalayong destinasyon. Ayon sa kongresista, nagiging dagdag na pahirap sa mga magulang ng mga mag-aaral ang programang Lakbay-Aral dahil sa sinisingil na pamasahe, pagkain, at maging tutuluyan kung malayo ang pupuntahan. Dahil umano sa field trip, mayroon mga magulang na napipilitang maghanap ng pera para makasama sa field trip ang kanilang anak at hindi sila bumagsak o maparusahan sa klase. Ipinagtataka rin ng kongresista kung bakit pinapayagan ng pamunuan ang mga paaralan ang malalayong destinasyon ng field trip kung saan nagmimistulang turista na ang mga estudyante. “I don’t see the wisdom of requiring field trips. During our time, we did not have field trips, but we managed to learn a lot in school," nakasaad sa pahayag ni Romualdo, vice chairman ng House Committee on Justice. “I don’t want parents to solicit money to pay for their children’s field trips. Who is earning from these field trips at the expense of students and parents? On the part of students, they are forced to join the field trips otherwise they will flunk in their subject or course," dagdag pa niya. - RP/FRJ, GMA News