ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suplay ng tubig sa Badian, Cebu, sinusuri matapos ma-tipus ang ilang residente


Sinusuri na ng awtoridad ang suplay ng tubig sa bayan ng Badian sa Cebu matapos magkasakit ng typhoid fever (tipus) ang limang residente sa lugar. Sa ulat ni Orchids Lapincao ng dzBB-Cebu, sinabi ni Integrated Provincial Health Office head Dr. Cristina Giango na inaalam na nila ang nakalap na impormasyon na nakuha ng limang pasyente ang sakit mula sa kontaminadong pagkain o tubig. Kumuha na ang provincial health teams ng sample ng tubig sa bayan upang makita kung mayroon itong bacteria, ayon sa ulat. Samantala, pinaalalahanan ni Giango ang mga residente na pakuluin muna ang tubig na kanilang iinumin. Ayon sa United States National Library of Medicine, ang typhoid fever ay impeksyon na dahilan ng pagtatae at pamamantal, na ang kadalasang sanhi at Salmonella typhi (S. typhi) bacteria. Maaari umanong kumalat ang bacteria sa pagkain, inumin, o tubig, at pumapasok ito sa bituka at bloodstream ng tao. Ang mga unang sintomas ng sakit ay lagnat, paghina ng katawan, at abdominal pain. Ang mas malalang sintomas ay high fever at severe diarrhea. Maaari rin itong magdulot ng rashes, na tinatawag na "rose spots," o mga maliliit na bilog-bilog na pantal sa tiyan at sa dibdib. Ang iba pang mga sintomas sakit ay ang pagkakaroon ng dugo sa dumi, panginginig ng katawan, pagdurugo ng ilong, panghihina, at pagiging iritable. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News